Fri. Aug 7th, 2026

Tugon sa sistematikong korapsyon sa pamahalaan ang inihaing impeachment complaint kahapon laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr, at ang nakatakdang ihahain sa susunod na linggo na hiwalay na reklamo laban kay Vice President Sara Duterte.

Pahayag ito ni Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) President Renato Reyes Jr. kaugnay sa inaasahang kauna-unahang pagkakataon na sabay na haharap sa proseso ng *impeachment* ang dalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.

“Sa diwa ng panawagang “lahat ng sangkot dapat managot, simula sa tuktok”, naghahain ang iba’t ibang grupo ng kasong impeachment laban sa dalawang pinakamataas na opisyal ng bansa,” ani Reyes sa paskil sa Facebook.

“Ang impeachment ay isang paraan ng accountability ng mga matataas na opisyal. Ginagawa ito dahil kailangang magkaroon ng resolusyon ang pinakamalalang usapin ng korapsyon sa ating bansa ngayon,” dagdag niya.

Ayon kay Reyes, ang reklamo laban kay Marcos Jr. ay nakabatay sa papel ng Pangulo sa sistematikong korapsyon sa gobyerno gaya ng umano’y pagtataguyod ng “allocables” sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na nagbigay-daan sa koleksyon ng kickbacks, paglobo ng unprogrammed appropriations para sa mga proyektong flood control, at pagtanggap ng mga kickbacks sa pamamagitan ng kanyang mga opisyal. Ang mga alegasyon ay nakabatay rin sa salaysay ni dating DPWH Undersecretary Robert Bernardo.

Samantala, ang impeachment complaint laban kay Duterte ay muling ihahain matapos maudlot ang naunang reklamo dahil sa desisyon ng Korte Suprema noong Pebrero 2025 na nagdeklarang void ang ipinadalang articles of impeachment sa Senado.

Bagama’t may nakabinbing Motion for Reconsideration, itutuloy na ang paghahain ngayong Pebrero 2026.

Batayan ng reklamo ang umano’y paglulustay ng P612 milyon na confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education.

Sa tanong , ani Reyes, kung nakakasama sa imahe ng Pilipinas at ekonomiya ang sabayang impeachment laban sa dalawang pinakamataas na opisyal, iginiit ni Reyes na ang tunay na nakakasama ay ang laganap na korapsyon at kawalan ng pananagutan.

“Ang totoong nakakahiya at nakasasama sa ekonomiya ay ang laganap at sistmatikong korapsyon at ang kawalan ng pananagutan dito. Ang tunay na trahedya ay ang pagnanakaw sa taumbayan,” aniya.

Iginiit ni Reyes, na dapat dinggin ng Kamara ang mga reklamo at ipadala sa Senado bilang*articles of impeachment.

Bagama’t hawak ni Marcos Jr. ang supermajority sa Kamara, hindi ito kailangan maging hadlang sa paghahain ng reklamo.

“Higit na mahalagang hurado ay ang taumbayan,” ani Reyes, na nanawagan sa publiko na bantayan ang proseso at talakayin ang nilalaman ng mga reklamo.  (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *