Nasawi ang sang security guard matapos umanong maapakan at atakihin sa puso sa gitna ng komosyon dulot ng umano’y pwersahang pagpapasok ng mga pulis sa himpilan ng BFRV Homeowners Association Inc. sa Las Piñas City kaninang umaga.
Sa ulat ni Police Col. Wilson de los Santos, hepe ng Las Piñas PNP, sa Southern Police District (SPD), tinukoy ang biktima na si Geremias Villaplaza, 48 anyos, isang security guard ng nasabing homeowners association na naka-duty nang mangyari ang insidente.
Nagkaroon ng matinding iringan at sigawan sa pagitan ng lehitimong opisyal ng homeowners association sa pamumuno ni Euan Toralballa at ng mga pulis, kasama ang isang sheriff na maghahain sana ng writ of execution laban sa nakaupong mga opisyal.
Habang inaawat ng mga security guard, kabilang si Villaplaza, ang mga kapulisan na umano’y naghahalughog sa opisina ng asosasyon, natumba si Villaplaza matapos umanong mabangga, biglang mawalan ng malay at natapakan ng mga nagkakagulong tao.
Agad siyang isinugod sa Perpetual Help Medical Center sa Las Piñas ngunit idineklara nang dead on arrival.
Ayon kay Toralballa, hindi makatarungan ang ginawa ng mga pulis at ng sheriff dahil nasira at winasak ang salamin at iba pang kagamitan sa opisina ng asosasyon, gayong maaari naman umano silang makipag-usap nang maayos at susunod sila sa kautusan ng korte.
Nakahanda na aniya ang kanilang abogado upang magsampa ng iba’t ibang kaso, kabilang ang homicide at iba pang kasong kriminal laban sa mga sangkot sa insidente.
Tatlong linggo ang nakakaraan ay naging tampok sa viral video si dating Sen. Cynthia Villar na nakipagtalo sa mga security guard hinggil sa daloy ng trapiko sa naturang lugar.
Ipinatupad kasi ng mga opisyal ng BFRV HOA ang bagong traffic management plan na may layuning paluwagin ang daloy ng trapiko tuwing rush hour sa bahagi ng Elizabeth Seton school sa nasabing lugar na ikinagalit ni Villar dahil naglagay ng No U turn sign at bollards sa harap ng kanyang bahay ng walang pahintulot sa kanya.
Ang insidente ay nag-ugat umano sa matagal nang alitan nina Villar at Torralballa. (ROSE NOVENARIO)