Sat. Mar 14th, 2026

📷: NBI Director Melvin Matibag

 

Maaaring biktima ang 18 “ex -Marines” ng isang retired Philippine Army general na nag-recuit sa kanila bilang bahagi ng 103 security personnel ng mga kompanya ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, ayon kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag.

May nakarating aniya na impormasyon sa NBI na nag-iwan umano ng P200-M si Co sa naturang retired general, na mula sa Philippine Military Academy (PMA) Class of 1975, bilang pondo pansuweldo sa103 security personnel bago siya umalis ng bansa noong Hulyo 2025.

“Maaaring mga biktima itong mga taong ito dahil sinasabi may kontrata ito kay Zaldy Co na mahabang period, parang dalawang taon na receiving a good hefty allowance and salary,” ani Matibag sa panayam sa Facts First with Christian Esguerra podcast.

“Ngayon noong umalis si Zaldy Co ang istoryang nakarating sa amin, nag-iwan ng P200-M to take good care of that 103 security. Matuloy ang suweldo nila at pag-aalaga sa kanya at lumalabas na hindi nangyari iyon,” lahad niya.

“Binigyan lang ng tig-P50K  itong mga Marines na ito, itong mga security na ito. Kaya ang sabi itong mga ito after five months, naghihirap na, naghahanap na ng sisilungan, tapos ito na, bigla nang lumabas,” dagdag niya.

Ito aniya ang isang anggulo na iniimbestigahan o tinutumbok ng NBI.

Sinabi ni Matibag na ipatatawag din ng NBI ang retired general na hanggang sa ngayon aniya ay nagtatrabaho pa rin sa isa sa mga kompanya ni Co.

Kaugnay nito, kinompirma ni Matibag na nagbigay na ng salaysay sa NBI ang dating PR man ni Co at inamin na 8 sa 18 ex-Marines ay dating itinalagang security niya.

Tumanggi si Matibag na tukuyin ang pangalan ng PR man dahil sa usapin ng seguridad. (ROSE NOVENARIO)

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *