Tinuligsa ni Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) President Renato Reyes Jr. ang administrasyong Marcos Jr. sa pagtanggi nitong kilalanin ang umiiral na oil crisis na malinaw na patunay ng kawalan ng malasakit at pagkakahiwalay sa realidad.
“May krisis sa langis ngayon — disrupted ang global supply at sumirit ang presyo sa rekord na antas. Ang pagsasabi na walang krisis ay insulto sa kolektibong talino ng mga Pilipino. Saang multiverse ba kayo nabubuhay?” pahayag ni Reyes.
Giit niya, hindi sapat ang mga hakbang ng pamahalaan upang tugunan ang lumalalang problema sa transportasyon.
“Nakikita na sa mahabang pila ng mga commuter at matagal na biyahe ang epekto ng oil price shock. Hindi ito normal,” dagdag niya.
Nanawagan si Reyes na agarang tanggalin ang di-makatarungang buwis sa langis, pigilan ang profiteering, at ilipat ang pork barrel funds mula sa mga proyektong tiwali tungo sa serbisyong panlipunan at subsidiya para sa mahihirap.
Iminungkahi rin niya ang moratorium sa pagbabayad ng dayuhang utang upang magamit ang pondo sa mas agarang pangangailangan.
“Kung walang pagkilala sa tindi ng krisis, palabas lamang ang ‘crisis committee’ ng Malacañang. Malayo tayo sa normal, lalo na’t pinalala pa ng imperyalistang digmaan ang matagal nang permanenteng krisis,” ani Reyes. # (ROSE NOVENARIO)