Maglulunsad ng welga at protestang bayan sa Marso 26–27, 2026 ang No To Oil Price Hike Coalition, isang malapad na alyansa ng mga manggagawa sa transportasyon, motorista, komyuter, konsyumer, at iba pang sektor na apektado ng walang habas na pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Ayon sa alyansa, kayang kontrolin ng estado ang presyo ng krudo sa pamamagitan ng mga polisiyang pumapabor sa mamamayan, sa halip na sa malalaking kompanya ng langis gaya ng Shell, Caltex, at Petron. Binatikos din ng grupo ang patuloy na gerang agresyon ng US na anila’y pangunahing dahilan ng tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng krudo.
Kasama sa nakatakdang welga at protestang bayan ang mga motorcycle taxi (MC Taxi) at transport network vehicle service (TNVS) drivers.
Ayon kay Kariders president Andey Espiritu at Kapatiran sa Dalawang Gulong-Kagulong officer Dan Pangan, nakatanggap sila ng mga komitment mula sa mga motorcycle taxi riders na patayin ang kanilang apps at hindi tatanggap ng booking bilang pakikiisa sa laban kontra “mega oil price hike.”
6-Point Demands ng Coalition:
- Tanggalin ang VAT at excise tax sa produktong petrolyo.
- I-rollback ang presyo ng krudo sa ₱55.00.
- Ibasura ang Oil Deregulation Law at magpatupad ng price controls.
- Ipatupad ang fare hike sa lahat ng moda ng transportasyon, kasabay ng ₱1,200 family living wage.
- Isabansa ang industriya ng langis; gobyerno ang bumili at magbenta ng krudo sa mas mababang halaga.
- Itigil ang gerang agresyon ng US.
Target ng protesta ang paniningil sa administrasyong Marcos Jr. na tinawag ng alyansa na “inutil” sa pagtugon sa krisis sa langis. Inaasahan ng grupo na kung linggo-linggo ang taas-presyo, linggo-linggo rin ang kanilang magiging aksyon.
Mga panawagan:
“Presyo ng langis, ibaba, i-rollback! VAT at excise tax sa langis, tanggalin! Oil deregulation law, ibasura! Fare hike, ipatupad! Sahod, itaas! Industriya ng langis, isabansa! Gerang agresyon ng US, itigil!” # (RRN)