Tue. May 19th, 2026

SAN JOSE, OCCIDENTAL MINDORO — Sa gitna ng paggunita ng Mahal na Araw, nanawagan ang Karapatan Southern Tagalog sa lokal na pamahalaan ng San Jose at sa pamunuan ng Occidental Mindoro na kumilos para sa agarang pagpapalaya kay Charlize Garzon, na kasalukuyang nakapiit sa San Jose Municipal Police Station.

Ayon sa grupo, si Garzon, isang artist, activist, scholar, cultural worker at volunteer teacher, ay sinampahan ng umano’y gawa-gawang kaso ng mga pwersa ng 68th Infantry Battalion, 2nd Civil-Military Operations, at 203rd Infantry Brigade, na anila’y sangkot din sa pananakot, pamimisikal, at pagbabanta sa kanyang buhay. Nagdudulot umano ito ng matinding takot at pangamba sa kanyang pamilya.

Binanggit ng Karapatan ST na hindi na bago ang mga insidente ng militarisasyon at pang-aabuso sa Mindoro, na patuloy umanong nararanasan ng mga komunidad, kabilang ang mga katutubong Mangyan-Buhid sa Sitio Salafay, Brgy. Monteclaro, San Jose.

Sa halip na kaunlaran, anila’y panliligalig ang dinaranas ng mga residente dahil sa presensya ng AFP-PNP-CAFGU, na nagresulta sa forced evacuation at checkpoints na nakakaapekto sa kabuhayan.

Nanawagan ang grupo sa mga opisyal ng LGU, kabilang sina Mayor Rey Ladaga at Gov. Eduardo Gadiano, na manindigan para sa kapayapaan at hustisya, at papanagutin ang mga opisyal ng militar na pinangalanan sa kanilang pahayag.

Sa diwa ng Kuwaresma, iginiit ng Karapatan ST na higit na kinakailangan ang pagtindig laban sa anumang uri ng panunupil upang matiyak ang karapatan ng mga mamamayan sa Mindoro. # (RRN)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *