📷: Quezon City Police District | FB
Tinuligsa ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang malawakang operasyon ng pulisya sa ilalim ng “Safer Cities Initiative” na nagresulta sa mahigit 48,000 street arrests sa loob lamang ng tatlong araw.
Ayon sa grupo, layunin ng kampanya na takutin at pigilan ang mamamayan na magprotesta laban sa kabiguan ng administrasyong Marcos Jr. na tugunan ang krisis sa presyo ng langis, korapsyon, at matinding kahirapan.
“Sa halip na kontrolin ang presyo at alisin ang mga regresibong buwis, pinili ng gobyerno na dagdagan ang pasakit ng taumbayan sa pamamagitan ng pananakot sa maralitang komunidad,” pahayag ng Bayan.
Tinawag nilang “draconian” ang mga hakbang na nagpapakita ng paranoia ng pamahalaan sa harap ng lumalalang discontent.
Inihalintulad ng Bayan ang SCI sa “Tokhang” ng rehimeng Duterte, gamit ang overkill deployment ng pulis, mobilisasyon ng LGU personnel, at paggamit ng ordinansa bilang panakip sa arbitraryong pag-aresto. Posible umanong may quota at bounty system na mag-uudyok sa mas malawak na crackdown laban sa mahihirap.
Para sa Bayan, ang panawagan ng DILG at PNP para sa “disiplina” ay pagbabalik sa Marcosian era kung saan ang pagtutol ay itinuturing na krimen.
“Ang tunay na kriminal ay hindi ang mga nakahubad na indibidwal sa komunidad kundi ang mga tiwaling politiko at kontraktor na patuloy na nagnanakaw ng pondo ng bayan,” giit ng grupo.
Nagbabala ang Bayan na ang SCI ay magbubunga ng “human rights emergency” sa mga komunidad.
“Ang mass arrests para sa ‘street crimes’ ay palabas lamang, habang ang malalaking plunderers at oil profiteering companies ay patuloy na nakakalusot,” dagdag nila.
Nanawagan ang Bayan sa mamamayan na tutulan ang “Gestapo-like operations” ng pulisya at LGUs.
“Ang gobyerno ay dapat magbigay ng serbisyong panlipunan at kontrolin ang presyo, hindi gawing sandata ang mga ordinansa para sa militarisasyon ng ating mga komunidad. Hangad naming managot ang korap at inutil na gobyerno ni Marcos Jr. sa pasismo at kapabayaan nito,” pagtatapos ng Bayan. # (RRN)