Wed. May 6th, 2026

Muling nanawagan ang Commission on Human Rights (CHR) na wakasan ang red-tagging at hinimok ang lahat ng sangay ng pamahalaan na kumilos nang agaran at magkakaugnay upang mapangalagaan ang mga batayang kalayaan sa bansa.

Ang panawagan ay kaugnay ng inilabas na ulat mula sa National Inquiry on the Current Situation of Human Rights Defenders in the Philippines with a Focus on Incidents of Red-Tagging na isinagawa noong 2025.

Ang nasabing imbestigasyon ay isinagawa sa pamamagitan ng malawak na partisipasyon—mula sa pampublikong pagdinig, mga sinumpaang salaysay, at ekspertong kontribusyon ng pamahalaan, mga abogado, civil society, at mga tagapagtanggol ng karapatang pantao sa Luzon, Visayas, at Mindanao.

Natuklasan ng CHR na patuloy ang red-tagging bilang sistematikong gawain ng paglalabel sa mga indibidwal at grupo bilang “komunista,” “terorista,” o “kaaway ng Estado,” kadalasan nang walang due process at pinalalakas sa publiko at online na plataporma.

Kabilang sa mga target ang mga mamamahayag, abogado, estudyante, lider-manggagawa, katutubo, at mga organisador ng komunidad na nagsusulong ng adbokasiya at lehitimong pagtutol sa mga polisiya ng pamahalaan.

“Red-tagging is not a harmless label. It creates a real and well-founded risk of harm. It exposes individuals to threats, harassment, and violence, and may serve as a precursor to grave human rights violations, including arbitrary detention, enforced disappearances, and extrajudicial killings,” diin ng CHR.

Dagdag pa ng ulat, pinahihina ng red-tagging ang karapatan sa buhay, kalayaan, seguridad, pagpapahayag, at asosasyon. Nagdudulot ito ng chilling effect sa pagtutol at nagpapahina sa demokratikong partisipasyon.

Sa kabila ng umiiral na mga remedyo sa batas, ang kawalan ng tiyak na batas na nagpaparusa sa red-tagging ay nagreresulta sa limitado at hiwa-hiwalay na proteksyon.

Nanawagan ang CHR ng agarang aksyon mula sa lahat ng sangay ng pamahalaan:

Ehekutibo: Magpatibay ng komprehensibong polisiya laban sa red-tagging at palakasin ang mekanismo para sa mabilis at patas na imbestigasyon.

Lehislatura: Magpasa ng batas na malinaw na nagtatakda at nagpaparusa sa red-tagging, repasuhin ang mga batas kontra-terorismo, at ipasa ang CHR Charter para sa mas matibay na institusyonal na proteksyon.

Hudikatura: Palakasin ang mga protective writs gaya ng amparo at habeas data, at tiyakin ang agarang pag-access sa hustisya para sa mga biktima.

Binigyang-diin ng Komisyon na ang mga hakbang laban sa banta sa seguridad ay dapat manatiling nakaugat sa karapatang pantao.

“Addressing red-tagging requires sustained, coordinated, and rights-based action across all branches of government, as well as meaningful participation from civil society and other stakeholders,” ayon sa CHR.

“Ultimately, upholding the dignity, safety, and freedom of human rights defenders is integral to strengthening democratic space and the rule of law.”# (ROSE NOVENARIO)

By admin