Sun. Jun 21st, 2026

May umiiral umanong “parking fee” sa Office of the Ombudsman na binabayaran ng “interested parties” kaya nakatengga ang kanilang kaso, ayon kay dating Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV.

Sinabi ni Trillanes na wala siyang pinagbibintangan ngunit para mapatunayan na hindi totoo ang “parking fee” ay kailangang umusad ang kasong plunder na kanyang inihain laban kay Sen. Bong Go dahil kompleto umano ang mga ebidensyang inilakip niya.

“Ako naman ang pinakapruweba dyan na hindi totoo yan eh kung i-proseso nila kasi buong-buo naman yung kasong i-finile namin sa Ombudsman kaya kailangan nasa advance stage na yan pero wala eh kaya nabibigyan ng credence yung rumors na yun na may mga parking fees na ikinalat yung mga interested parties para hindi umusad ang kaso,” ani Trillanes sa Storycon sa One News.

“Eight months, seven months nang nakatengga yan sa Office of the Ombudsman kaya nagtataka ako kung bakit hindi pa rin gumagalaw. Mga kontrata ito ng DPWH mismo at ang nakapirma, mismong yung tatay at kapatid ni Bong Go. Kahit hindi sila yung, kumbaga Class A na contractor na puwedeng mag-undergo ng projects, sa joint venture sila. Meron nga rin silang joint venture with the Discayas,” lahad niya.

“Meron ding sila ang gumagawa, binibigyan na lang nila ng porsyento o komisyon itong mga nagpapagamit ng triple A license, so hindi po gumagalaw yan. Maganda po, maitanong yan sa Ombudsman, kung mamaya’t mayain natin, mas mabilis pa po yan dapat,” dagdag niya.

Wala pang reaksyon sina Go at Ombudsman Jesus Crispin Remulla sa rebelasyon ni Trillanes. # (RRN)

By admin