Thu. Aug 6th, 2026

📷: Nenita Buscada (Bai Indigenous Women’s Network / FB) 

 

Mariing kinondena ng Bai Indigenous Women’s Network ang brutal na pagpaslang ng militar sa isang Lumad na ina matapos mapagkamalang kasapi ng NPA sa Brgy. St. Peter, Malaybalay City, Bukidnon noong Hunyo 15.

Kinilala ang biktima na si Nenita Buscada, katutubong kababaihan, na kasama ng asawa at dalawang sibilyan nang pagbabarilin ng mga sundalo mula sa 88th Infantry Battalion, Philippine Army habang nangangahoy para makabili ng gamit sa eskwela ng kanilang mga anak.

Agad na nasawi si Nenita, habang sugatan ang kanyang asawa.

Bagama’t isinugod sa ospital, idineklara si Nenita na dead on arrival habang ang kanyang asawa ay patuloy na nagpapagaling.

Giit ng grupo, hindi ito “misencounter” kundi tahasang paglabag sa International Humanitarian Law at sa karapatan ng mga sibilyan sa gitna ng armadong tunggalian.

Anila, ang insidente ay malinaw na patunay ng militarisasyon at pasismo sa mga lupang ninuno.

Hindi sapat ang paghingi ng paumanhin ni Lt. Col. Arnold Bautista, kumander ng 88th IB, ayon sa grupo.

Hustisya ang panawagan ng mga Katutubong kababaihan, kabilang ang pagbuwag sa mga kampo ng militar, pagtigil ng pambobomba, at paggalang sa karapatan sa sariling-pagpapasya at lupang ninuno.

Para sa mga Lumad, ang pagpaslang kay Nenita ay hindi lamang atake sa isang indibidwal kundi sa buong komunidad. Hangga’t nananatili ang presensya ng AFP sa kanilang teritoryo, magpapatuloy ang pagdanak ng dugo at pang-aabuso sa mga Katutubong kababaihan. # (RRN)

By admin