Pag-aaralan ng Anti-Terror Council kung maaaring maituring na “act of terrorism” ang mga insidente ng “mass casualty” gaya ng nangyari kamakailan sa San Jose National High School sa Tacloban City. Ito ang pahayag ni Department of Justice Undersecretary Nicolas Felix Ty sa panayam sa programang Ted Failon at DJ Cha-cha sa Radyo Singko True FM.
“Sa ngayon medyo nag-iingat kami diyan. Kailangan natin pag-aralan mabuti, unang-una kung ang salitang ginagamit sa Anti-Terror Act ay sakop ba ang ganitong mga gawain, at pangalawa, intensyon ba talaga ng mga kongresista na isakop ang ganitong gawain sa Anti-Terror Act,” ani Ty.
Ipinaliwanag ni Ty na nang ipasa ang Anti-Terror Act, wala pang naitalang insidente kung saan kabataan ang nasangkot sa ganitong uri ng karahasan.
“Unang-una nang pinasa ang Anti-Terror Act, wala pang nakitang ganitong klaseng kasamaan na mangyayari rito sa bansa natin na kung saan ang mga kabataan ay mag-e-engage sa mass casualty event,” dagdag niya.
Binanggit din ng opisyal na sa ibang bansa, may mga pagkakataon na ang mga menor de edad na nasasangkot sa ganitong insidente ay kinakasuhan sa ilalim ng kanilang anti-terrorism statutes.
“Pero kung titingnan natin yung mga approach ng ibang bansa, may ibang bansa na kinakasuhan ang mga nasasangkot na bata sa anti-terrorism statute nila. Kaya kailangan natin pag-aralan na mabuti,” wika ni Ty.
Nagbabala rin siya sa posibleng epekto ng ganitong klasipikasyon.
“Gusto ba talaga natin ito, ang isa sa consequence niyan ay ang bata, maituturing na terorista gaya ng NPA at Abu Sayyaf. Parang handa ba tayo na may ganung tatak na ibibigay sa mga bata na ito,” aniya. # (ROSE NOVENARIO)