Nagpatupad ang Department of Education (DepEd) ng mas mahigpit na alituntunin laban sa mga paglabag sa seguridad sa mga paaralan, kung saan itinuturing na ngayong third-level offense ang pagbibiro o pagbabanta ng bomba at ang pagdadala ng mga nakamamatay na armas.
Bahagi ito ng School Safety Campaign na pinangunahan ni Education Secretary Sonny Angara, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyakin ang kaligtasan ng mga mag-aaral.
“Hindi natin papayagan ang anumang banta sa kaligtasan ng ating mga mag-aaral,” giit ni Angara.
Sa ilalim ng DepEd Order No. 006, s. 2026, inilatag ang Guidelines on Ensuring a Safe and Motivating Learning Environment (ESMLE) na nagtatakda ng tatlong antas ng paglabag:
– First-level offenses: simpleng bandalismo, pagbibitiw ng masasamang salita, at pagpapakalat ng maling impormasyon; parusa ay reprimand, pagpatawag sa magulang, o suspensyon.
– Second-level offenses: stalking, pagnanakaw, pananakot, at harassment; parusa ay suspensyon, non-readmission, o exclusion.
– Third-level offenses: hazing, sexual assault, pagpatay, bomb threats, gang involvement, droga at alak, at pagdadala ng baril o pampasabog; parusa ay preventive suspension, non-readmission, o tuluyang pagpapatalsik, kasabay ng awtomatikong pag-endorso sa mga awtoridad.
Kasama rin sa bagong framework ang risk assessment, kumpidensyal na proseso ng pag-uulat, at mental health support para sa mga biktima. # (RRN)