Mariing kinondena ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) NCR Union ang utos ng Department of Education (DepEd) na nagbabawal sa advocacy materials sa loob ng mga silid-aralan, na tinawag nilang “mapanganib na panunupil” sa gitna ng lumalalang krisis sa edukasyon.
“Hindi kailanman naging banta sa pagkatuto ang mga panawagan para sa sapat na sahod ng mga guro at kawani, mas malaking badyet sa edukasyon, dagdag na silid-aralan, pagkakaroon ng learning materials at disenteng kundisyon sa pagtuturo. Ang tunay na banta ay ang patuloy na kakulangan ng estado sa pagtugon sa mga ito,” ayon sa ACT NCR Union.
Giit ng grupo, sa halip na tugunan ang kakulangan sa guro, silid-aralan, at materyales, mas pinili ng DepEd na patahimikin ang mga panawagan sa ngalan ng “professionalism” at “political neutrality.”
“Sa halip na tugunan ang mabibigat na pasanin ng mga guro sa umpisa pa lang ng pasukan ay panunupil at gag order ang sagot ng DepEd,” dagdag pa nila.
Binatikos ng ACT NCR Union ang paggamit ng “neutralidad” bilang panangga sa lehitimong panawagan ng mga guro. Anila, ang tunay na neutralidad ay hindi katahimikan sa harap ng kawalang-katarungan.
“Kapag ang isang polisiya ay nagpapatahimik lamang sa mga nananawagan ng reporma ngunit hindi sa mga polisiyang lumilikha ng krisis, hindi na ito neutralidad. Pagkiling na ito sa umiiral na kalagayan,” pahayag ng unyon.
Sa huli, iginiit ng ACT NCR Union na hindi matatakpan ng pagbabawal sa mga poster ang “maruruming katotohanan” ng pampublikong edukasyon: “Mas komportable ang DepEd sa malilinis na pader kaysa sa paglutas sa maruruming katotohanang matagal nang dinaranas ng pampublikong edukasyon.” # (RRN)