Mon. Sep 28th, 2026

Kinompirma ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na sinibak sa serbisyo si dating Senate Sergeant‑at‑Arms Mao Aplasca matapos masangkot sa insidente ng barilan sa Senado noong Mayo 13.

Sa kanyang programang Executive Session sa DZRH, sinabi ni Remulla na nilagdaan niya ang dismissal order noong Hunyo 29 laban kay Aplasca, na nagsilbi ring Sergeant‑at‑Arms ng Commission on Appointments.

“Acting Sergeant-at-Arms in the Senate and Sergeant-at-Arms of the Commission on Appointments, we have dismissed from service,” aniya, at idinagdag na ilalabas ang desisyon ngayong linggo.

Nauna nang nasuspinde si Aplasca ng anim na buwan habang iniimbestigahan ang insidente, kung saan siya umano ang unang nagpaputok ng warning shot na nagpasiklab ng palitan ng putok sa loob ng gusali ng Senado.

Nangyari ito habang si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ay isinailalim sa preventive custody kaugnay ng ulat na may tangkang pag‑serve ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).

Ayon kay Remulla, ilalabas ang dismissal order “dahil mahirap ipaliwanag,” ngunit hindi na siya nagbigay ng karagdagang detalye. # (RRN)

By admin