Sat. Jul 4th, 2026

Walang kapangyarihan ang Senado, bilang impeachment court, na mag-ingat o magbukas ng tinaguriang Bureau of Internal Revenue (BIR) “green box” na sinasabing naglalaman ng tax records ni Bise Presidente Sara Duterte, ayon kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson.

Sinabi ni Lacson, tanging nakasulat na pahintulot mula sa Pangulo o waiver mula kay Duterte mismo ang maaaring magbigay-daan sa pagbubunyag ng naturang dokumento, alinsunod sa National Internal Revenue Code.

“Huwag nilang ipasa sa amin ang burden ng pagbubukas ng kahon. Kung gusto ng prosekusyon na mabuksan ito, dapat silang humingi ng permiso sa Office of the President. Huwag kami, hindi sa impeachment court. Hindi namin gagawin,” ani Lacson sa panayam ng dzMM.

Binatikos din niya ang House prosecution panel sa pagtanggap at pagpapadala ng sealed box nang hindi muna kumukuha ng kinakailangang awtoridad.

“Isa sa mga napagkasunduan namin ay ibalik ito dahil, una sa lahat, labag sa batas kung itatago namin. Hindi tungkulin ng impeachment court, o ng alinmang hukuman, na buksan ito,” dagdag ni Lacson.

Sinabi pa niya na sumang-ayon si Sen. Francis “Chiz” Escudero na hindi dapat ipagkatiwala sa impeachment court ang ebidensya bago ito pormal na iharap sa paglilitis.

“We have no business safekeeping evidence. Evidence should be presented by either the prosecution or the defense. They left the box with us, what are we supposed to do with it? We are a court,” ani Lacson.

Kumpirmado ni Lacson na sa caucus ng mga senador nitong Biyernes, napagkasunduan na ibalik ang sealed box sa House panel.# (RRN)

 

By admin