📷: NBI / FB
Inaresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) Violence Against Women and Children Division (VAWCD), ang isang 19-taong gulang na lalaki sa Pampanga noong Hunyo 30 dahil sa umano’y paglabag sa Republic Act No. 11930, o ang “Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act.”
Ang operasyon ay nag-ugat mula sa referral ng Department of Justice – Office of Cybercrime kaugnay ng ulat ng online na panggaganyak sa isang bata para sa paggawa ng mga materyales ng seksuwal na pang-aabuso.
Lumabas sa imbestigasyon na pinilit umano ng suspek ang isang menor de edad na makipag-ugnayan sa seksuwal na gawain at magpadala ng mga mapang-abusong larawan kapalit ng Robux, ang virtual na pera sa online gaming platform na Roblox.
Sa mas malalim na digital na pagsusuri, natukoy ng NBI-VAWCD na konektado ang suspek sa maraming CyberTipline Reports hinggil sa panggaganyak ng mga bata at pamamahagi ng child sexual abuse materials sa iba’t ibang online accounts.
Lumabas din sa rekord ang naunang reklamo ng ina ng isang 10-taong gulang na biktima, na nagsabing nakipagkaibigan ang suspek sa bata sa pamamagitan ng Roblox, pinilit itong gumawa ng malaswang video, at kalaunan ay kinontrol at pinilit pa.
Matapos makakuha ng Warrant to Search, Seize, and Examine Computer Data (WSSECD), nakumpiska ng mga ahente ang mobile device ng suspek.
Sa forensic examination, natuklasan ang maraming materyales ng seksuwal na pang-aabuso.
Nadiskubre rin ng mga operatiba na aktibong nakikipag-ugnayan ang suspek sa isa pang bata, edad 12, na tinatangka niyang hikayatin sa seksuwal na gawain.
Isinailalim ang suspek sa inquest proceedings sa Office of the Provincial Prosecutor sa Pampanga noong Hulyo 1 para sa pagsasampa ng kaukulang kaso sa ilalim ng RA 11930. Patuloy ang imbestigasyon ng NBI at nakatakdang magsagawa ng rescue operations upang matukoy at mailigtas ang iba pang posibleng biktima.
Muling iginiit ng kawanihan ang matibay nitong paninindigan laban sa online sexual exploitation ng mga bata at nanawagan sa publiko na manatiling mapagmatyag at agad na iulat sa pinakamalapit na tanggapan ng NBI ang anumang impormasyon kaugnay ng ganitong uri ng krimen.# (RRN)