Inilunsad ng National Bureau of Investigation (NBI) ang imbestigasyon kaugnay ng umano’y iregularidad sa paggamit ng pondo para sa pagho-host ng Pilipinas ng 2019 Southeast Asian Games, kabilang ang ulat na bilyon-bilyong piso ang nananatiling hindi pa nali-liquidate.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, lumitaw ang usapin matapos inspeksyunin ng mga opisyal ang New Clark City sa Tarlac, kung saan planong itayo ang 70-ektaryang NBI Academy.
“Nakita namin dun yung sports complex na ginamit sa SEA Games… nakarating sa amin na bilyon-bilyon pala ‘yung pumasok dito na pera na unliquidated,” aniya.
Sinisiyasat ng ahensya ang alegasyon na may pribadong kontraktor na nakatanggap ng humigit-kumulang ₱10 bilyon sa pamamagitan ng congressional insertions sa General Appropriations Act.
“Meron private company dito na na-involve na binayaran ng ₱10 billion… malaking kaso din ito,” dagdag ni Matibag.
Itinayo para sa ika-30 SEA Games, tampok sa New Clark City sports hub ang 20,000-seat athletics stadium, 2,000-seat aquatics center, at athletes’ village. Ang proyekto ay isinagawa ng Bases Conversion and Development Authority katuwang ang isang Malaysian firm.
Dating chairman ng Philippine SEA Games Organizing Committee at ngayo’y Senador Alan Peter Cayetano ang dati nang humarap sa kontrobersya, ngunit iginiit niyang walang anomalya at bukas siya sa anumang imbestigasyon.
Sinabi rin ni Matibag na muling bubuksan ng NBI ang usapin sa multi-milyong pisong SEA Games cauldron, ngunit nilinaw niyang hiwalay ito sa imbestigasyon sa New Clark City sports complex. # (ROSE NOVENARIO)