(Screenshot mula sa FB post ni Gabriel Go)
Binigyang-diin ni Deputy Privacy Commissioner Jose Amelito Belarmino sa mga law enforcer at traffic enforcer na bagama’t bahagi ng kanilang tungkulin ang pagre-record ng video, ang pag-upload o pagproseso ng mga ito ay nangangailangan ng legal na batayan sa ilalim ng Data Privacy Act.
Aminado si Belarmino na maaaring gamitin ang mga video para turuan ang publiko tungkol sa kaligtasan sa kalsada, ngunit iginiit niyang dapat na proporsyonal ang pagproseso sa layunin nito.
“Kung ang purpose po nila ay maturuan ‘yung publiko… hindi po ba iyon maa-achieve sa mga instructional video?” aniya sa panayam ng ABS-CBN, at binigyang-diin na kahit may pag-blur ng mukha, maaari pa ring magkaroon ng paglabag sa privacy kung may pagtutol mula sa mga subject.
Nagbabala ang National Privacy Commission (NPC) na ang walang pahintulot na pagproseso ng personal data ay may kaparusahan na isa hanggang anim na taong pagkakakulong at multa mula ₱500,000 hanggang ₱4 milyon.
Lumabas ang paalala matapos suspindihin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) si Special Operations Group–Strike Force head Gabriel Go sa clearing operations.
Nagprotesta ang mga grupo ng guro sa pag-upload ni Go ng video kung saan makikitang hinuli ang isang guro na nakamotorsiklo dahil walang suot na helmet.
Humiling ang rider na huwag siyang i-video, ngunit tumanggi si Go at ipinost ang clip sa kanyang personal na Facebook account.
Sa pahayag, kinumpirma ng MMDA na nakatanggap ito ng mga liham mula sa iba’t ibang grupo at sinabing “held in abeyance” ang partisipasyon ni Go sa clearing operations habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon.
Nanawagan ang ACT Teachers Party-list kay MMDA Chairman Don Artes na sibakin si Go, dahil sa paulit-ulit na paglabag sa direktiba ng ahensya na nagbabawal sa mga tauhan na mag-post ng operasyon sa personal na social media accounts.
Noong Abril 2025, ipinagbawal na ng MMDA ang ganitong mga post matapos akusahan si Go ng panghihiya sa isang pulis sa Quezon City sa hiwalay na traffic violation video. # (RRN)