Idineklarang guilty ng Sandiganbayan Sixth Division nitong Biyernes ang negosyanteng si Janet Lim Napoles at dating Department of Agrarian Reform (DAR) Undersecretary Jerry Pacturan sa kasong malversation ng pondo ng gobyerno kaugnay ng ₱50 milyong “ghost” farm projects sa Luzon.
Ayon kay Associate Justice Sarah Jane Fernandez, nakita ng korte ang “sinadyang plano para ilihis ang yaman ng gobyerno gamit ang pekeng dokumento at huwad na endorsements.”
Si Napoles, na matagal nang nasasangkot sa malalaking kaso ng korapsyon, ay nahatulan sa 10 bilang ng malversation at 10 bilang ng graft. Maari siyang makulong ng hanggang 20 taon sa bawat kaso ng malversation at hanggang 15 taon sa bawat kaso ng graft.
Si Pacturan naman, na lumagda sa mga memorandum of agreement kasama ang mga LGU at NGO na konektado kay Napoles, ay sinentensiyahan ng hanggang 19 taon, 1 buwan, at 11 araw sa bawat isa sa 10 bilang ng malversation. Gayunman, siya ay naabsuwelto sa kasong graft dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Iginiit ng mga piskal na ang mga kasunduan ni Pacturan noong 2011 sa 10 LGU at NGO ay ginawa upang ilihis ang ₱5 milyon kada LGU para sa farm inputs na hindi naman naipadala.
Nagpatotoo ang mga kinatawan ng LGU na walang delivery na naganap, habang walong alkalde mula Bulacan, Batangas, Pangasinan, at Quezon ang nagsabing peke ang kanilang mga lagda sa mga funding request.
Nilinaw ng korte na ang pondo ay hindi bahagi ng kontrobersyal na Priority Development Assistance Fund (PDAF), kundi mula sa regular na budget ng DAR.
Inutusan sina Napoles at Pacturan na ibalik ang ₱50 milyon sa National Treasury. Binigyan si Pacturan ng limang araw para mag-post ng surety bond bilang pansamantalang kalayaan habang tinutuloy ang post-conviction remedies.
Dumalo si Napoles sa promulgasyon sa pamamagitan ng teleconference, habang personal namang humarap si Pacturan sa korte. # (RRN)