📷Former Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV
SASAMPAHAN ni dating Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV ng P6-B plunder case sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go sa Office of the Ombudsman sa susunod na linggo.
“Meron po akong planong i-file na plunder case kay Digong Duterte at kay Bong Go.next week at dalawa ito. Uunahin po muna natin itong isa, mga infrastructure projects worth billions na in-award ni Duterte at ni Bong Go doon sa kompanya ng tatay at kapatid ni Bong Go doon po sa Davao. Aabot ng six billion pesos,” sabi ni Trillanes sa Kapihan sa Manila Hotel.
“Kapag nag-benefit ang isang pamilya, individual o ang kanyang pamilya ng aggregate total of fifty million pataas ay plunder iyon,” giit ni Trillanes.
Unang isiniwalat ng dating senador ang naturang isyu noong Hulyo 2021 at tinagurian niya itong “the most airtight case of plunder.”
Aniya, ang P6.6 bilyong halaga ng road widening and concreting projects na nakopo ng ama at kapatid ni Go ang “pinakaselyadong” kaso ng pandarambong laban sa senador at kay Duterte.
“Kahit gaano natin paikutin ito, lahat ng illegal ay andirito and sabi ko nga wala ka ng kailangan ilabas pa. We have the contracts, we have established the blood relations, we have the admission of Bong Go approving authority ang boss niya na si Duterte na kilala natin, nakita mo na kapag tumulo lang ang pawis ni Duterte pupunasan nito. Nakita natin yung proximity niya,” ayon kay Trillanes.
“I’m making it sure na hindi na ito malulusutan. Hindi nyo ako pinakinggan noong 2016. Ito tayo ngayon, talagang ginahasa ni Duterte ang Pilipinas. So ngayon, we should have to make sure na hindi na mangyayari ito. And we will shout at the top of our lungs , if we need to para lang hindi na mangyari yun,” aniya.
Magugunitang isinapubliko ni Trillanes sa isang video na kumalat sa social media ang mga dokumento mula sa Department of Trade and Industry (DTI) at Commission on Audi (COA) kaugnay sa mga naturang proyekto.
Aniya, ang CLTG Builders, pagmamay-ari ni Desiderio Lim, ama ni Go ay nabigyan ng 125 road widening projects mula Marso hanggang Mayo 2018 na nagkakahalaga ng P4.89 bilyon.
Lahat aniya ng mga proyekto ay sa Davao City o mga lugar sa Davao region.
Habang noong 2017 ay nasungkit ng CLTG Builders ang P3.2 bilyong halaga ng 27 projects at ang pinakamalaki ay mula P177 milyon hanggang P252 milyon.
Giit niya ang CLTG ay ang inisyal ng buong pangalan ni Go, Christopher Lawrence Tesoro Go.
Habang ang Alfredo Builders, pagmamay-ari ng half-brother ni Go na si Alfredo Amero Go ay nakorner ang 59 projects mula HUnyo 2007 hanggang Hulyo 2018 na sa kabuuan ay may halagang P1.74 bilyon.
Malaking bahagi aniya ng mga proyekto, halagang P1.3 bilyon ay nakuha sa panahong nakaluklok na sa Malacanang si Duterte , ang pinakamalalaki ay mula P93 milyon hanggang P181 milyon.
Gaya ng CLTG Builders, ang mga proyekto ng Alfrego ay sa Davao City o sa Davao region din na karamihan ay road widening o concreting projects.
Ayon kay Trillanes, ang suma total ng mga proyektong nakopo ng CLTG at Alfrego ay P6.6 bilyon , ang P5.1 bilyon ay sa unang dalawang taon ng administrasyong Duterte at ang P1.5 bilyon ay noong mayor ng Davao City ang dating Pangulo.
“Maliwanag na ginamit ni Bong Go ang kaniyang posisyon, in connivance with and obvious consent of Duterte as mayor and later on as president, para makinabang ang kanyang pamilya,” wika ni Trillanes sa video.
Unang ibinisto ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) ang mga nasungkit na kontrata ng CLTG at Alfrego noong 2018, na ayon kay Trillanes ay kanyang binusisi ng husto hanggang makakuha ng mga dokumento sa DTI at COA.
Ipinagkibit-balikat noon ng Palasyo ang pasabog ni Trillanes at inamin na matagal ng negosyo ng pamilya ni Go ang pangongontrata sa infrastructure projects.
“Matagal na pong negosyo ng pamilya ni Senator Bong Go ang pangongontrata para sa infra projects. Tama naman dahil ang sinasabi niya eh may mga proyekto daw diumano na 2007 pa. Ano naman pakialam ni Senator Bong Go doon sa mga kontrata na 2007 pa, mukhang naka-shorts ba si Senator Bong Go,” sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque sa virtual Palace press briefing kahapon.
Taliwas sa pahayag ni Roque, 1998 pa ay special assistant na ni Duterte si Go.
Wala pang reaksyon ang kampo nina Duterte at Go hinggil sa pahayag ni Trillanes kanina sa Kapihan sa Manila Hotel.(ROSE NOVENARIO)