Fri. Nov 22nd, 2024

📷ACT Teachers Partylist Rep. France Castro

 

MARIING kinondena ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang plano ng pamilya Duterte na palawakin ang kanilang kapangyarihan at posisyon sa national politics.

Ang pahayag ni Castro ay bilang tugon sa sinabi ni  Vice President Sara Duterte sa Cagayan de Oro na magiging presidential bet sa 2028 si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte makaraang kumandidato sa pagka-senador sa 2025 midterm elections.

“Ang sabi ng Mama ko, ang tatakbong senador ay ang aking nakakabatang kapatid, si Baste Duterte. Siya ang tatakbo sa 2028 bilang President. Ang sabi ng mama ko babalik daw ako ng Davao, mag-mamayor ako,” sabi ni VP Sara sa isang ambush interview.

Inalmahan ni Castro ang naturang plano dahil ito aniya ay rurok ng burukrata kapitalismo kung saan ang isang pamilya ay gustong rendahan ang bawat aspeto ng politika sa bansa.

“This is the height of bureaucrat capitalism, where a single family wants to control every aspect of a nation’s politics. Ginagawang negosyo ang pagtakbo sa posisyon sa gobyerno di lang para mangurakot pero para pagtakpan din ang mga kasalanan nila sa mamamayan. Ginawa na ito ng pamilya Marcos ngayon ang mga Duterte naman ang gustong pumalit,” sabi ni Castro.

Binigyan diin ng teacher-solon na ang pakana ng mga Duterte ay naglantad ng tumitinding tunggalian sa dalawang paksyon  ng naghaharing uri.

“Sa sinabing ito ni VP Duterte makikita na magiging all out na ang bakbakan sa pagitan ng dalawang paksyon ng naghaharing uri. Ang mga Duterte na backer ang Tsina at ang mga Marcos naman na ang US ang backer,” ani Castro.

Nanawagan siya sa sambayanang Filipino na manatiling mapagmatyag at tutulan ang mga pagtatangka ng mga political dynasty na i-monopolyo ang kapangyarihan at magpasasa sa panunungkulan habang pinipinsala ang demokrasya at interes ng mga mamamayan. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *