Fri. Nov 22nd, 2024

Si Sen. Risa Hontiveros habang kapulong ang mga miyembro at supporters ng Malaya Lolas, isang NGO na nagsusulong ng reparation para sa mga “comfort women” noong panahon ng Hapon. Bumisita ang senador kamakailan sa Pampanga para dalawin ang giba nang “Bahay na Pula” kung saan naganap ang karumal-dumal na pang-aabuso sa kababaihan ng mga sundalong Hapon. (Sen. Risa Hontiveros/Facebook)

 

Muling nanawagan sa gobyerno si Sen. Risa Hontiveros para sa danyos sa kababaihang naabuso noong panahon ng pananakop ng Hapon sa bansa noong World War 2, lalo na’t ilan na lamang ang natitirang buhay sa mga biktima.

“Labing-walo na lang ang natitirang Malaya Lolas. They cannot wait any longer,” ani Hontiveros sa pakikipagpulong sa Malaya Lolas, isang non-profit organization na nagsusulong para sa reparasyon ng mga babaing naging biktima ng seksuwal na pang-aabuso ng mga sundalong Hapon nang salakayin ng mga ito ang Pilipinas noong 1942.

“President Marcos and the entire administration must make good on their promise to extend aid and assistance to them. Hindi dapat hayaan ng ating gobyerno na pumanaw sila nang hindi nakakamtan ang hustisya para sa kanila,” dagdag ng senador.

Nanawagan din ang senador na muling itayo ang tinaguriang “Bahay na Pula” upang maging monumentong magpapaalala sa lahat sa malagim na bahagi ng ating kasaysayan nang sumalakay at sakupin ng mga Hapon ang ating bansa mula 1942 hanggang 1945.

“Bahay na Pula has been torn down, leaving only its foundation behind. I hope this can be undone. Sana i-rebuild ito at gawing memorial site para sa lahat ng victim-survivors ng wartime sexual violence,” ani Hontiveros. “Bukod dito, sana gawin ng gobyerno ang lahat nang paraan para ma-recover ang nawawalang Comfort Woman statue na dati nang inilagay sa Maynila at tinanggal para sa ‘di umano’y drainage project. Masyado nang matagal na pilit tinatago ang malagim na hinarap ng ating mga lola. It’s time we commemorate this and learn from it.”

Samantala, inihain ni Hontiveros ang Senate Resolution No. 539 na naggigiit sa gobyernong siguruhing makakukuha ng karampatang bayad-pinsala ang naging comfort women at kanilang pamilya matapos na tawagin ng United Nations Committee on the Elimination of Discrimination Against Women (UN-CEDAW) ang pansin ng pamahalaan ng Pilipinas dahil sa kabiguan nitong gampanan ang mga obligasyon nito sa nasasaad sa Convention on the Elimination of all forms of Discrimination against Women, kaugnay na rin sa hindi nito paghingi ng danyos para sa sinapit ng ating comfort women. (NOEL SALES BARCELONA)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *