📷Maria Isabel Lopez | Facebook
PINAKAABANGAN ng mga beauty pageant enthusiast kung papasukin sa pagdiriwang ng ika-60 anibersaryo ng Bb. Pilipinas si 1982 Bb. Pilipinas-Universe Maria Isabel Lopez, ang unang Pinay beauty queen na nagpakita ng frontal nudity sa pinilakang tabing.
Matatandaan dahil sa kanyang paghuhubad sa pelikula ay muntik matanggalan ng korona si Lopez.
Nakatakadang ganapin bukas, Hulyo 7, sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City ang anibersaryo, kasabay ng grand coronation night.
Magsisilbi ang okasyon bilang reunion ng 100 Bb. Pilipinas queens sa nakalipas na 60 taon at kasama rito si Lopez.
Ngunit dahil sa naging karanasan ni Lopez noong 2009 na pinaalis siya sa 2009 pageant night, marami ang nakatutok kung gagawin muli sa kanya ng Bb. Pilipinas ito.
Sa panayam kay Lopez noong 2009 sa programa nina Kris Aquino at Boy Abunda, ibinuga ni Lopez ang kanyang hinanakit sa organisasyon, partikular kay Stella Marquez-Araneta, chairperson ng Bb Pilipinas Charities Inc., na umano’y nag-utos na palayasin siya sa 2009 coronation venue.
“You can stop me from attending the Bb. Pilipinas pageant at the Big Dome. But you cannot stop the fact that I am the Bb. Pilipinas Universe 1982 and here’s my sash and that will not be taken away from me. That’s all. Thank you,’ sabi ni Lopez patungkol kay Araneta.
“Mabuti pa sa Miss Gay Philippines welcome ako, judge pa ako. Doon na lang ako sa mga bakla,” dagdag niya. (ZIA LUNA)