Sat. Nov 23rd, 2024

📷Atty. Luke Espiritu

 

WALA sa hinagap ni labor leader Atty. Luke Espiritu, pangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino, ang makipag-alyansa sa administrasyong Marcos Jr. para hadlangan ang pagbabalik sa poder ng mga Duterte.

“Hindi ito panahon para makipagpisan kay Marcos, na isang kasuklam-suklam na ideyang nakakasuka,” sabi ni Espiritu bilang tugon sa pahayag ni dating Vice President Leni Robredo na bukas siya sa pakikipag-alyansa sa mga Marcos ngunit kailangan muna iresolba ang mga hindi pagkakaunawaan.

“Ito ang panahon para wasakin parehas sina Marcos at Duterte,’ dagdag niya.

Kung tutuusin, aniya, mas nagagawa pa ng mga Marcos at mga Duterte ang durugin ang isa’t isa kaysa ang tinaguriang oposisyon.

Kaya ang panawagan ng labor leader, magsulong ng totoong alternatiba na maaaring mapili ng publiko.

“Mas nagagawa pa nga nila ito parehas kaysa sa atin, ang tinaguriang oposisyon. Ito ang panahon upang magtulak ng totoong alternatiba,” aniya.

Nauna rito’y pinalutang  ni Vice President Sara Duterte na kakandidato sa pagka-senador ang ama niyang si dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte at mga kapatid na sina Davao City Rep. Paolo Duterte at Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa 2025 midterm elections.

Ayon kay VP Sara, lalahok sa 2028 presidential elections si Baste, batay sa utos ng kanilang ina na si Elizabeth Zimmerman.

Itinanggi ng dating pangulo ang sinabi ni VP Sara sa katuwiran na hindi na siya interesadong bumalik sa politika kahit madalas siyang magpatawag ng pulong balitaan para batikusin ang administrasyong Marcos Jr. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *