Mon. Nov 25th, 2024

📷PAMALAKAYA Vice Chairperson at Koalisyong Makabayan senatorial bet Ronnel Arambulo | Altermidya

TILA nakahanap na ng kanyang katapat si Sen. Cynthia Villar.

Binatikos ni Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) Vice Chairperson  at Koalisyong Makabayan senatorial candidate Ronnel Arambulo si Villar, Senate Committee on Agriculture chairperson, na walang naging silbi sa sektor ng agrikultura.

Inilahad ni Arambulo na dati silang hinamak ni Villar bilang walang alam sa usapin ng climate change gayong ang mga mangingisda aniya ang tunay na nakakaalam at ang sitwasyon ay sila ang nakararanas sa kanilang pagpalaot sa pangsidaan.

“Hinahamon namin partikular si Sen. Cynthia Villar na tingin namin ay hindi naging epektibo sa pagtataguyod ng mga nasa sektor ng agrikultura at natatandaan naming na hinamak pa kami na hindi namin alam ang isyu ng climate change at isyu ng mga mangingisda,” ani Arambulo.

“Isa itong malaking kalokohan dahil kaming mga mangingisda ang tunay na nakakaalam nito dahil kami yung nasa grounds, kami yung araw-araw na dumaranas ng isyu ng pangisdaan,” dagdag niya.

Kapag pinalad na maluklok sa Senado ay itataguyod ni Arambulo ang nagsasariling patakarang panlabas para sa interes ng mga Pinoy at hindi nakasandal o nakakiling sa mga interes ng mga dayuhan, US man ito o China.

Igigiit din niya ang pagkilala sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea alinsunod sa 2016 arbitral ruling.

“Ating itataguyod ang nagsasariling patakarang panlabas. Itataguyod natin ang patakarang panlabas para sa interes ng ating mga kababayan at syempre ang ating itaguyod ay kilalanin ang ating karapatan dyan sa West Philippine Sea dahil malinaw naman sa desisyon noong 2016 ng arbitral tribunal na sa atin ang West Philippine Sea,” wika niya.

“Kaya kapag tayo ang naupo sa Senado, titiyakin natin na itataguyod natin ito at mga tunguhin para sa patakarang panlabas na nagsasarili at hindi nakasandal o nakakiling sa dayuhang interes.”

Para kay Arambulo, hindi usapin ng makabagong gamit pangisda ang solusyon sa problema ng mga mangingsida sa WPS kundi ang sinseridad ng paahalaan para ipaglaban ang karapatan ng Pilipinas sa pamamagitan ng paghahain sa United Nations sa usapin ng pagkilala sa 2016 arbitral ruling .

Hindi kinikilala ng China ang 2016 arbitral ruling na pumabor sa Pilipinas bagkus ay iginiit nito ang tradisyonal nilang paniniwala na sakop nila ang buong South China Sea.

“Unang-una sa lahat, hindi pa mas problema sa gamit pangisda. Mas talaga yung sinseridad ng pamahalaan para itaguyod at ipaglaban ang karapatan natin dyan sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng patuloy na pagpa-file natin sa United Nations hinggil sa mga ipinanalo natin dyan sa West Philippine Sea at dapat ay makita yung pamahalaan talaga ay itinataguyod yung ating interes sa West Philippine Sea.”

“Mas ganun pa eh kesa sa usapin na palakihin yung mga bangka kasi kahit naman i-modernize mo ang bangka kung nagpapatuloy naman at hindi panindigan yung laban natin dyan sa West Philippine Sea ay patuloy pa rin na hindi makakamit ng mga mangingisdang Pilipino ang karapatan nya dyan sa West Philippine Sea,” paliwanag niya.

“Mas syempre dapat nga sa pagtataguyod ng independent foreign policy na kung saan ay babaklas tayo roon sa patakaran ng dayuhan , mapa-China man yan o mapa-US  dahil ito yung dapat. Hindi tayo dapat nakakaladkad sa gera dahil ito’y lalong magpapalala sa sitwasyon at napatunayan din naman sa mahabang panahon na lalong na-provoke ang China at hindi ito ang naging dahilan para masolusyonan ang problema sa West Philippine Sea,” wika ni Arambulo.

Si Arambulo, kasama ang 10 pang senatorial bets ng Koalisyong Makabayan na sina ACT Teachers Partylist Rep. France Castro, Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas, dating Bayan Muna Reps. Teddy Casino at Liza Maza, Amirah Lindasan, Jerome Adonis, Mody Floranda, Mimi Doringo at Jocelyn Andamo ay naghain ng kanilang certificate of candidacy sa Comelec ngayong araw. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *