Sat. Nov 23rd, 2024

SA isang larawang kupas, nabisto ang mga padrino ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Maaaring ipatawag sa pagdinig sa Senado sina dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte at dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon bilang resource persons matapos iprisinta sa nakalipas na hearing ang larawan ni Guo kasama sila sa mismong bahay ng dating pangulo sa Davao City.

“Pag-usapan pa namin kung itatawag yung mga ibang tao sa photo na iyan bilang resource persons. Pero ngayon pa lang, sapat na sa akin na ipinapakita ng photo na talagang may friends in high places si Mayor Alice Guo,” sabi ni Hontiveros sa isang press conference.

“At hindi rin pwedeng sabihin na kuha lang niya yun. Dahil from what we can tell so far sa photo, eh yan po ay sa isang residence. So kumbaga, hindi public place na papapasukin lang ng mga public figures ang strangers or casual acquaintances, kundi mga kaibigan o mga taong mas malapit sa kanila. And mukhang ganun ang status ni Mayor Alice Guo sa kanila,”  dagdag niya.

Kinompirma  ni Hontiveros na inimbita sa pagdinig si AR dela Serna, tauhan ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque, dahil nakita ang mga personal niyang dokumento sa sinalakay na POGO hub sa Porac, Pampanga.

“Unfortunately, si Mr. De la Serna ay isa rin na hindi sumipot at nasama nga po sa aming subpoena para sa susunod na pagdinig. So, I expect him to make an appearance. At pati yung ibang mga inimbita na namin dati, pero dinedma yung imbitasyon ng komite. Yung ilan doon, mga resource persons dapat tungkol sa aming Porac investigation,” anang senador.

Bubusisiin din aniya kung paano napatayuan ng POGO hub ang lupain gayong orihinal na pagmamay-ari  ito ng mga magsasakang na benepisyaryo ng repormang agraryo. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *