NATUNTON na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang lungga ng puganteng dating Bureau of Corrections chief Gerald Bantag, ngunit nag-iingat ang mga awtoridad sa pagdakip sa kanya bunsod ng naging pahayag niya na mas gusto pa niyang mamatay kaysa makulong.
Ito ang sinabi kahapon ni DOJ spokesman Mico Clavano hinggil sa update sa kasong pagpatay sa batikang broadcaster na si Percival “Percy Lapid” Mabasa.
“It’s also hard for us to place our law enforcement agents in a precarious or a dangerous spot. We hope to do this in the most peaceful manner,” aniya.
Sabi pa ni Clavano, bukas ang DOJ para sa isang negosasyon sakaling gusto ni Bantag na sumuko.
Nasa isang liblib na lugar daw si Bantag at pinalilibutan ng kanyang mga tagasuporta.
“We can only assume that he will not go down without a fight,” ani Clavano.
Kahit bukas sa negosasyon ang DOJ, nilinaw ni Clavano na papayag lamang sila sa “very reasonable conditions that any Filipino can ask for.”
Nakagugulat ang tono ng DOJ sa kaso ni Bantag kompara sa isyu ng environmental activists na si Jhed Tamano, 22, at Jonila Castro, 21, na sinampahan nila ng kasong grave oral defamation dahil sa pagsisiwalat na sila’y dinukot ng militar at hindi sumukong mga rebeldeng kasapi ng New People’s Army (NPA).
Isinakdal ng DOJ prosecutors sina Tamano at Castro dahil sa umano’y pagpahiya at pagdungis sa imahe ng Armed Force of the Philippines (AFP) sa isang press conference nang inakusahan ang militar na dinukot sila.
Naglagak ng piyansa ang dalawang aktibista sa naturang kaso sa panahong ipinagkaloob ng Korte Suprema ang hirit nilang writs of amparo at habeas data.
Ito’y mga legal na remedyo na may layuning bigyan proteksyon ang isang nilalang mula sa pamiminsala at inuutusan ang gobyerno na sirain ang mga mapanganib na impormasyon na hawak nito.
Paano ipaliliwanag ng DOJ ang tila “malupit” nilang trato sa dalawang kabataang aktibista na inilahad lamang ang sinapit sa mga kamay ng militar habang “bahag” naman ang buntot kay Bantag na nanghihiram lang ng tapang sa baril?
Paano na ang magiging kapalaran ng plano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na matuldukan ang lahat ng armadong tunggalian na nagsimula sa panahon ng kanyang amang diktador sa mapayapang paraan, kung mismong kanyang justice secretary ay numero unong red-tagger?
Kung hindi magbabago ng pananaw ni Remulla at ng security cluster ng administrasyong Marcos Jr. sa paraan ng pagwawakas sa rebelyon sa bansa, mananatiling pangarap ang minimithing kapayaan sa ating bayan.