Sat. Nov 23rd, 2024

MISTULANG inahing manok na putak nang putak si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa isyu ng imbitasyon sa kanya sa umuusad na imbestigasyon ng Mababang Kapulungan hinggil sa extrajudicial killings sa ipinatupad niyang madugong drug war.

Ang “inaaway” ni Bato ay ang mga progresibong kongresista na sina ACT Teachers Partylist Rep. France Castro at Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel dahil nais siyang papuntahin sa pagdinig.

Sa halip na kasahan ang hamon sa kanyang dumalo sa congressional hearing, mistulang gasgas na plaka si Bato sa pagred-tagged kay Manuel at tinawag pa niyang “brat”.

“Anyway, let them say what they want against me. After all, it is our people to whom I am accountable and answerable, not to a brat,” sabi niya.

“Especially not to one who has not even stared death in the eye if only to defend our country, and yet acts as though he/she is the most patriotic of them all,” ani Bato.

Paano naging “act of patriotism” ang pagpaslang sa libu-libong Pinoy, karamihan ay maralita at walang kalaban-laban ng armadong puwersang pinamunuan ni Bato na Philippine National Police, sa ngalan ng kanyang Oplan Tokhang?

Kailan naging labag sa batas ang pagbatikos, pagkondena, at manawagan sa pananagutan sa mga paglabag sa karapatang pantao, lalo na sa extrajudicial killings?

Bakit “bahag ang kanyang buntot” na humarap sa imbestigasyon ng International Criminal Court at idinahilan pa ang kanyang mga apo, kaya ayaw daw niyang makulong sa The Hague?

“Takot ako na makulong dahil kawawa ang mga apo ko, hindi ko na makikita. ‘Yun lang ang akin. Buti kung makulong ka lang dito sa Pilipinas. Ikukulong ka doon sa Hague,” sabi niya sa panayam sa ANC noong Enero 2024.

“Paano makabisita ‘yung mga apo mo? They will grow up ‘lolo-less.’ Kawawa naman ‘yung mga apo ko. I love my apos so much,” dagdag niya.

Kung talagang matapang si Bato at gustong gampanan ang tungkulin bilang isang senador, bakit hindi niya imbestigahan ang dati niyang amo na si former President Rodrigo Duterte na umamin na alam niya kung saan nagtatago ang puganteng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy pero ayaw niyang sabihin sa mga awtoridad?

Bakit ang isang unverified intelligence information na mula raw sa “PDEA Leaks” ay inaksaya ni Bato ang oras at pondo ng Senado para busisiin?

Iyan ba ay maipagmamalaking “act of patriotism” ni Bato?

Alam na ngayon ng masang nag-iisip kung sino ang ieetsapuwera sa balota sa 2025 midterm elections.

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *