NAGMULA sa Gatchalian political dynasty si Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian kasama ng kanyang mga kapatid na sina DSWD Secretary Rex Gatchalian at Sen. Sherwin Gatchalian.
May dalawampung taon nang hawak ng kanilang pamilya ang poder sa Valenzuela, mula naging alkalde si Win noong 2004.
Industrial city kung tawagin ang kanilang siyudad dahil sa tambak ang warehouse doon, na sabi nga ni Mayor Wes ay tuntungan ng mga nagsisimulang negosyanteng dayuhan, lalo na ng mga Chinese, kapag nais nilang mag-umpisa ng business sa Pilipinas.
Sa panayam kay Karen Davila kamakailan, inamin ni Mayor Wes na ang may-ari ng warehouse na tinirhan ng pamilya Guo noong unang dumating sa Pilipinas sa Brgy. Canumay West ay kaibigan ng pamilya Gatchalian.
Sa naturang kalye rin aniya lumaki silang magkakapatid.
Sa unang tingin, tila iba ang tono ni Mayor Wes sa kuya niyang si Sen. Win pagdating sa isyu ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Kung si Mayor Wes siguro ang nasa posisyon ni Sen. Win, hindi na tumagal ang imbestigasyon ng Senado kaugnay kay Alice dahil sasabihin niya agad ang katotohanan na may personal siyang nalalamang detalye hinggil sa suspendidong alkalde ng Bamban.
Ito ay ang may-ari ng warehouse na unang tinirhan ng pamilya Guo pagdating sa Pilipinas noong edad 11 anyos pa lang si Alice.
Sa nasabing detalye, durog agad ang pagpapanggap ni Alice na lumaki siya sa farm at Pinay ang kanyang ina.
Hindi kaya naisip ito ni Sen. Win para nakatipid ang pamahalaan sa gastusin sa maraming pagdinig na kanilang ikinasa tungkol kay Alice?
Bakit kailangang utay-utay ang paglalabas ng impormasyon tungkol kay Guo na animo’y teleseryeng sinubaybayan ng madla?
Baka sa halip na makatulong sa kung anoman ang inaasintang posisyon ni Sen. Win sa 2028 ay masilat pa siya dahil sa pagpapakatotoo ng utol niyang si Mayor Wes.
Siyangapala, iniulat na ng Balitang Klik ang umano’y koneksyon ng pamilya Gatchalian at pamilya Guo noon pang 29 Mayo 2024.