TILA nagiging bisyo na ng Palasyo ang magbigay ng panadaliang saya imbes bigyan ng kasagutan ang mga batayang problema ng masa.
Kayang gumasta ng malaking halaga ng Office of the President at Presidential Communications Office para “Konsyerto sa Palasyo Para sa Ating Mga Healthcare Workers” sa Hunyo 30 para aliwin ang mga tinaguriang “modern-day heroes” pero tengang-kawali sa mga lehitimong kahilingan ng mga manggagawang pangkalusugan.
Ang pag-oorganisa ng mga naturang konsiyerto ay isang manipestasyon na hindi sineseryoso ng administrasyong Marcos Jr. ang kalusugan ng mga tao at kapakanan ng mga manggagawang pangkalusugan, ayon kay Cristy Donguines, isang nars at secretary general ng Alliance of Health Workers.
Bagama’t nagpapasalamat sila sa mga papuri at pagkilala sa kanilang hanay ay naniniwala siya na maliban sa mga konsiyerto at pagdakila, mas kailangan nila ang sinseridad ng administrasyon na kagyat na tugunan ang kanilang mga hinaing.
Ang higit na kailangan ng health workers ay hindi lamang isang konsiyerto na magbibigay ng panandaliang kasiyahan kundi agad na pagtaas ng kanilang sa sahod, seguridad sa trabaho, mass hiring ng regular health workers upang mapunan ang malalang kakapusan ng mangagagawang sa mga pampubliko at pribadong ospital at ibigay na ang kanilang unpaid benefits gaya ng “ Performance-Based Bonus (PBB) and Health Emergency Allowances (HEA) for private and LGU health workers,”
Giit ng grupo, sa gitna ng mga hamon na kinakaharap ng health workers, lalo noong pandemic at health emergency, napakahalaga na makatanggap sila ng nararapat na suporta at pagkilala sa kanilang mga sakripisyo at paglilingkod sa bayan sa pamamagitan ng pagtugon sa kanilang matagal ng isyu at alalahanin upang hindi madagdagan ang bilang ng mga manggagawang pangkalusugan na pupunta sa ibayong dagat upang magtrabaho.
Kaya naman ipinarating nila sa gobyerno ang sama ng loob sa kanilang kapabayaan at kawalan ng kakayahan sa panahon ng pandemya.
Ayaw nilang ipakita na sila’y mga bayaning iniwan at kinalimutan pagkatapos ng laban.
Hinihimok ng AHW si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na makinig sa kanilang mga hinaing.
“Ang mga konsyerto at libangan lamang ay hindi sapat; kailangan ng mga konkretong aksyon at solusyon para matugunan ang ating mga alalahanin,” wika ni Dongunes.
Kung gusto ng administrasyong Marcos Jr. na maging kakaiba ang kanilang pamamahala, puwedeng unahin nila ang pagwaksi sa kulturang “The True, The Good, and The Beautiful” ng diktadurang Marcos Sr. at magising sa katotohanan na ang ang kumakalam na sikmura ng mga maralita ang dapat nilang atupagin at hindi ang kanilang imahe at mga bulsa.