đź“·Sen. Sonny Angara
BALER, AURORA—NAGPAHAYAG nang kahandaan si Senador Sonny Angara na tanggapin ang pagiging kalihim ng Department of Education (DepEd) kapalit ng nagbitiw na si Vice President Sara Duterte ito ay kung iaalok sa kanya ang posisyon.
Ang pahayag ni Angara ay kanyang ginawa sa isang panayam ng media matapos niyang dumalo sa pagdiriwang ng ika-22 na taon ng Philippines-Spanish Friendship Day at ika-126 na taong anibersaryo  ng Baler Siege.
Ayon kay Angara hindi niya ipagdadamot sa kasalukuyang adminitrasyon na maging bahagi siya ng pagbibigay serbisyo sa taong bayan lalo na sa larangan ng edukasyon.
Sinabi niya na wala pa namang malinaw at direktang alok na ipinaabot sa kanya ang Malakanyang o sinumang malapit kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.,
Aminado si Angara na malaki rin naman ang kanyang magiging kontribusyon sa sektor ng edukasyon kung sakaling mapili siya sa puwesto.
Tumanggi  si Angara na isa-isahin ang anumang mga pagbabago at programang nais niyang isulok sa sektor ng edukasyon lalo na’t hindi pa siya ang napipili dito ng Pangulo.
Lubos  ang pasasalamat ni Angara sa kanyang mga kapwa senador na nag-eendorso sa kanya bilang kalihim ng DepEd.
Kabilang rito sina Senate President Francis “Chiz” Escudero, dating Senate President Juan Miguel Zubiri, Senador Sherwin Gatchalian at iba pang mga senador.
Nakatakdang magtapos ang termino ni Angara bilang senador sa Hulyo 1, 2025 na kung saan siya ay nagtapos ng kanyang pag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas at sa Boston.
Kaugnay nito sinabi ni Gatchalian na isa rin sa mga lumutang na pangalan na kapalit ni Duterte na hindi niya tatanggapin ang naturang posisyon.
Iginiit ini Gatchalian mayroon pa siyang apat na taon para manilbihan sa bayan at ito ang ibinigay na mandato sa kanya ng publiko at ayaw niyang sayangin ito.
Hindi  aniya maganda na dalawa silang magkapatid ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang maging bahagi ng gabinete ng Pangulo.
Inamin ni Gatchalian na hindi rin interesado ang kanyang kapatid sa naturang posisyon lalo na’t bago lamang siya sa DSWD at posibleng masira o maapektuhan ang kanyang mga programa. (NINO ACLAN)