📷Senate President Chiz Escudero
INIHAYAG ni Senate President Chiz Escudero ang ilang posibleng senaryo sakaling ilabas na ng International Criminal Court (ICC) ang arrest warrant laban kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa bilang suspect sa crimes against humanity kaugnay sa madugong drug war na ipinatupad ng administrasyong Duterte.
Aminado si Escudero na bago ang sitwasyon lalo na’t hindi na miyembro ng Rome Statute ang Pilipinas ngunit ang iniimbestigahan naman na mga kaso ay naganap noong kasapi pa ang bansa.
“Itong lahat ay bagong sitwasyong legal na hindi pa natin napagdadaanan so hindi ko pa masabi kung anong magiging kapasyahan dahil hindi pa namin klarong nakikita rin yung mga legalidad na papasok dito. Pinapapag-aralan ko pa rin sa legal ng Senate,” sabi niya sa media briefing kahapon.
“Marahil baka may dagdag pang proseso, yung tinatawag natin na recognition of foreign judgment, na para nga ma-desisyonan nga ng korte kung tama nga ito o legal o hindi. Tapos ang korte natin na lokal ang magi-isyu,” dagdag niya.
Batay aniya sa umiiral na patakaran, ang sinomang senador na may warrant of arrest ay hindi puwedeng dakpin habang may session at kapag nasa loob ng bisinidad ng Senado.
“Pero sa labas pwede na o paglabas pwede na. Pero hindi sinasabing immune siya sa aresto,” ani Escudero.
Matatandaan noong 2018 ay nanatili ng ilang linggo si dating Sen. Antonio ‘Sonny” Trillanes IV matapos buhayin ang mga kasong rebelyon laban sa kanya nang bawiin ni noo’y Pangulong Rodrigo Duterte ang ipinagkaloob na amnesty sa kanya ni dating Presidente Benigno “Noynoy” Aquino III.
Para kay Escudero ang pagkilala sa desisyon ng ICC ay pag-amin na hindi gumagana ang justise system sa bansa, isa sa salik para imbestigahan ng ICC ang kaso sa isang bansa.
“Nakahanda ba ako aminin na hindi nagpa-function ang justice system sa ating bansa? Na kinakailangan silang manghimasok at makialam dito?” ani Escudero.
Kaugnay naman sa dagdag na seguridad para sa mga senador, sinabi ni Escudero na nag-umpisa ito nang makatanggap ng death threats ang ilang senador na nag-iimbestiga sa Philippine Offshore Gaming Operators at kay Bamban Mayor Alice Guo. (ROSE NOVENARIO)