Sun. Nov 24th, 2024

GINAMIT na blood money o pondo para gantimpalaan ang mga pulis na nakapatay ng drug suspect ang kita ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa iwinasiwas na madugong drug war ng administrasyong Duterte.

“There are exchange of money here. Ibig sabihin, ang nakita namin na there might be a quota system in the Philippine National Police, una… Pangalawa, there’s a reward system. Ibig sabihin, sa reward system na ‘yan, kapag nakapatay ka ng drug pusher, may reward ka. Nalaman naminn na – this is a testonomiy of one of the policemen that we have, officers – from P20,000 to P60,000 ‘yun binabayad diyan. Nalaman namin nangggaling ‘yan sa POGO money,” isiniwalat ni Manila 6th district Rep. Bienvenido Abante Jr. sa ginanap na press conference kahapon.

Inihayag niya na ang bagong tatag na “quad-committee” ay ilulunsad sa Agosto 15 at ang magkatuwang na magsasagawa ng imbestigasyon sa koneksyon ng mga isyu ng POGO, illegal drugs, at extrajudicial killings (EJKs) sa Duterte drug war.

Ang “quad committee” ay bubuuin ng Committees on Human rights, on Public Order and Safety, on Dangerous Drugs, at on Public Accounts.

Bago pa nabuo ang quad-committee , nagsagawa na ng limang pagdinig ang komite ni Abante  kaugnay sa mga naganap na EJKs noong administrasyong Duterte.

Sa isang hearing noong Hunyo, nabatid ng komite na 20,322 ang napaslang na drug suspects mula 1 Hulyo 2016 hanggang 27 Nobyembre 2017 o sa loob lamang ng 17 buwan na nasa Malakanyang si Duterte.

Inimbitahan ng human rights committee si Duterte ngunit tumanggi siyang dumalo.

Ngunit sa pagsisiyasat ng quad-committee ay aanyayahan na magpunta sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.

Iniutos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang total ban sa POGOs sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA). (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *