Tue. Dec 3rd, 2024

📷Bayan Muna Partylist | Facebook

NAGLUNSAD ng pagkilos sa harap ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang iba’t ibang progresibong grupo upang manawagan na huwag bigyan ng budget ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at kuwestiyonin ang pondo ng Department of National Defense (DND).

Ayon kay Raymond Palatino, secretary general ng Bagong Alyansang Makabayang (Bayan), ngayong araw diringgin ang budget ng DND kaya’t dapat ukilkilin kung bakit nagsisilbing tagapagsalita ng imperyalismo US si Defense Secretary Gilbert Teodoro.

Kinuwestiyon din ni Palatino ang papel ng military bilang mga sekyu ng mga dayuhang mining corporations, dayuhang plantasyon, tagapagtaboy ng multinational corporations sa mga katutubo.

Sa kabila aniya na ang tungkulin ng militar ay protektahan ang Pilipinas mula sa dayuhang mananakop, nagkakampo ang mga sundalo sa mga komunidad at may umiiral na militarisasyon sa kanayunan.

“Bakit ang secretary ng DND, spokesperson ng imperyalismong US? Department of National Defense–pero bakit ang pwersang miiltar, security guard ng mga  dayuhang mining corporations, security guard ng mga dayuhang plantasyon, enforcer ng mga multinational corporations sa pagtaboy sa mga katutubo? Department of National Defense para daw protektahan ang ating bayan mula sa mga dayuhang mananakop, pero bakit nagkakampo sa ating mga komunidad? Bakit militarisasyon sa kanayunan ang ginagawa?” ani Palatino.

“Kaya tayo po ay tutol na dagdagan itong budget ng Department of National Defense. Itong ahensya na ito ay batbat ng korupsyon. Taon-taon itinataas ang budget ng DND pero saan napupunta ang pera ng bayan? Pera para pabaon sa mga kurakot na heneral, pera para sa mga expenses na hindi natin alam kung saan napunta tulad ng paggamit ng confidential funds.,” dagdag niya.

“Noong isang araw sa hearing ni Vice president Sara Duterte, kasama sa kanyang accomplishment report ang confidential funds. Meron daw para sa mga seminar ng miiltar sa ating mga paaralan. Diyan napupunta ang pera ng bayan: disimpormasyon, demonisasyon sa mga kritiko ng estado. Kaya tayo tutol na dagdagan ang budget ng DND, tutol na dagdagan ang budget para sa mga pwersang militar na ginagamit para sa paglabag  sa karapatang pantao.” (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *