Fri. Nov 22nd, 2024

📷ICC standard cell 

 

HINDI na dapat masorpresa kung i-terminate na ng International Criminal Court (ICC) ang isinasagawang imbestigasyon laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kasong crimes against humanity at mag-isyu ng arrest warrant laban sa kanya bago matapos ang 2024.

“I will not be surprised if the ICC will terminate its investigation soon and issue the warrant of arrest against President Duterte at least siguro by the end of this year. President Duterte will be the first Asian to be tried in the ICC,” ayon kay dating Bayan Muna Partylist Rep. Neri Colmenares sa ginanap na press conference ng human rights group na Karapatan,National Union of People’s Lawyers (NUPL), Rise Up at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) kanina sa Quezon City.

Sinabi ni Colmenares na hindi puwedeng pigilan ng administrasyong Marcos Jr. ang pagsisilbi ng ICC arrest warrant dahil ang magpapatupad nito ay ang Interpol na miyembro ang Pilipinas.

Kapag nadakip na si Duterte, dadalhin siya sa ICC detention center sa prison complex sa Scheveningen sa The Hague, The Netherlands at ihaharap sa paglilitis.

Napakalakas aniya ng mga ebidensya laban kay Duterte gaya nang pag-amin niya “under oath” sa Senado na  inutusan niya ang kanyang death squad na pumatay ng tao.

“Kaya yung mga admission niya na yun na kill, kill, kill. Inutusan ko ang death squad ko , pito ang miyembro nyan ah ikaw pulis kapag hind imo pinatay, papatayin kita., lahat ito ay magagamit sa kanya,” ani Colmenares.

“At tama, under oath yun, hindi niya puwedeng sabihin hyperbole o joke. Mabuti sana kung nagsabi siya na udyukan mo tapos wala namang namatay. Pero hindi eh. Pagkasabi niyang udyukan mo para kunwari nanlaban, libu-libo ang namatay,” dagdag niya.

Pasok aniya si Duterte sa dalawang elemento ng crimes against humanity, una ang “widespread and systematic attack against civilians” at  “with knowledge of the attack.”

Ang public order aniya ni Duterte na “kill, kill, kill” ay pinatibay sa Senate investigation pati ang rebelasyon ng dating pangulo na inutusan niya ang mga pulis na udyukan ang mga drug suspects para manlaban , patayin nila at siya ang bahala sa kanila.

Binigyan diin ni Colmenares na itinahi ng testimonya ni ret. Col. Royina Garma na pinondohan ni Duterte ang drug war killings, ang kasong crimes against humanity  laban sa dating pangulo sa ICC

Matatandaan na isiniwalat ni Garma sa House Quad Committee na ang ipinatupad na drug war ni Duterte ay halaw sa Davao Model na binibigyan ng pabuya ang pulis na makapagtutumba ng drug suspect sa halagang P20,000 hanggang isang milyong piso, depende sa kategorya nila.  (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *