TINANGGAP ng House quad committee ang hamon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ituloy ang pagdinig ngayon, Nobyembre 13, bunsod ng pagpupumilit niya na nakahanda siyang humarap sa komite matapos unang ianunsyo na kanselado sana ito at isasagawa na lamang sa Nobyembre 21, 2024.
Sa ipinadalang liham ni Quad Comm Chairperson Rep. Ace Barbers kay Duterte na may petsang Nobyembre 11 ay ipinabatid ang pagbabago ng schedule ng hearing.
Ipinabatid ni Duterte ang kanyang kahandaan na dumalo sa quad comm hearing kahapon ng umaga, Nobyembre 12.
Bago magsimula ang pagdinig ngayong alas-9:30 ng umaga ay magdaraos ng misa para sa mga pamilya ng biktima ng extrajudicial killings sa People’s Center sa Batasan Pambansa Complex.
Nauna nang inihayag ng ilang mambabatas na hindi uubra sa quad comm ang inasal ni Duterte na pagmumura at pagsigaw nang humarap siya sa Senate Blue Ribbon Sub-Committee hearing.
Maghaharap sa unang pagkakataon ang mga pamilya ng pinatay sa madugong drug war at si Duterte. (ROSE NOVENARIO)