NAGBABALA ang ACT Teachers Partylist na ang pag-recruit ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ng Coordinating Council of Private Educational Associations (COCOPEA) sa executive committee nito ay malubhang banta academic freedom . at kaligtasan ng mga guro at mga estudyante.
“This is a dangerous development that follows the same playbook of red-tagging promoted by the NTF-ELCAC. It is now trying to legitimize its witch-hunting operations by co-opting private educational institutions through COCOPEA,” ayon kay dating ACT Teachers Party-list Representative Antonio Tinio.
Binigyang-diin ng ACT Teachers party-list president na ang pagsama ng COCOPEA, na kumakatawan sa humigit-kumulang 1,500 pribadong paaralan sa buong bansa, sa kilalang red-tagging agency ay maaaring humantong sa mas mataas na surveillance, harassment, at pananakot sa mga estudyante, guro, at tauhan ng paaralan.
Binanggit ni Tinio ang pagkakasangkot ng NTF-ELCAC sa pagdukot, iligal na pagkulong, at pilit na pagtatanong sa dalawang aktibistang estudyante sa Bataan noong nakaraang taon.
Hinimok ng partylist group ang COCOPEA na muling isaalang-alang ang pagkakasangkot nito sa NTF-ELCAC at sundin ang halimbawang ipinakita ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa paglayo sa ahensyang ito.
Ang track record anila ng NTF-ELCAC sa mga walang basehang akusasyon at paglabag sa karapatang pantao , kabilang ang laban sa mga estudyante, guro, at manggagawa sa sektor ng edukasyon, ay dapat sapat na dahilan para tanggihan ng alinmang institusyong pang-edukasyon ang naturang asosasyon.
“Furthermore, the Supreme Court itself has declared that red-tagging poses a threat to life, liberty, and security of its victims. COCOPEA would do well to keep its distance from this task force known for its rabid and remorseless red-tagging,” sabi ni Tinio.
Iginiit ni Tinio na ang mga institusyong pang-edukasyon ay dapat na maging ligtas na mga lugar para sa pag-aaral at kritikal na pag-iisip, at hindi para pagmulan ng takot at panunupil.
Ang presensya aniya ng NTF-ELCAC sa mga paaralan, pampubliko man o pribado, ay nagdudulot ng direktang banta sa kalayaang pang-akademiko at sa karapatan sa edukasyon alinsunod sa Konstitusyon. (ROSE NOVENARIO)