Thu. Nov 21st, 2024

📷Jimmy Guban

 

PINASLANG ang ilang empleyado at opisyal ng Bureau of Customs, at anti-drug operatives ng umano’y “Davao Mafia” ni dating Pangulong Rodrigo Duterte  at kanyang mga kasapakat para mapatibay ang kontrol sa illegal drugs alinsunod sa political plot na “God Save the Queen,” ayon kay dating Customs intelligence agent Jimmy Guban sa kanyang muling pagharap sa House Quad Committee kahapon.

“We’re thankful to God that we’re still alive. Former PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency) deputy director general Ismael Fajardo died. Captain Lito Perote, agent Ernan Abario who is my colleague in Customs is also dead. Two of my men also turned up dead,” sabi ni Guban.

“Sa kanya ilan ang namatay dahil po diyan sa Davao mafia and their purpose is to save the queen in order to become the next president,” aniya.

Humingi ng paumanhin si Guban na hindi muna tatalakayin ang natuklasan niyang mga detalye sa “God Save the Queen” bunsod ng isyu ng seguridad ng kanyang pamilya.

Naging emosyonal si Guban nang makita via Zoom si dating police Col. Eduardo Acierto dahil natuwa siya at nakitang buhay ang kanyang kaibigan.

Inakusahan ni Guban si Duterte na nagpasimuno ng pagpatay sa mga drug offenders at karibal nito sa illegal drugs trade.

Isang empleyado aniya ng kongresista ang tumutugis sa kanyang anak na lalaki ngunit hindi muna niya ihahayag sa komite ang mga detalye dahil naniniwala siyang mga bayarang mamamatay-tao at tagapagpatupad ng Davao Group na bahagi ng Davao Mafia ang nasa likod nito.

Tumanggi si Guban na tukuyin kung mga Duterte ba ang kanyang binabanggit, kasama si Vice President Sara Duterte sa pakanang “God Save the Queen” dahil kailangan pa niyang ihanda ang kanyang affidavit at matrix, bukod pa sa tinutugaygayan ng mga hindi pa kilala mga indibidwal ang kanyang mga anak.

“Sorry, your honor maybe next time,” ani Guban.

Tatlo hanggang limang opisyal at empleyado aniya ng BOC at pinataya na habang dalawa hanggang tatlo ang masuwerteng nakaligtas at tanging sila na lamang ni Acierto ang buhay pa.

Matatandaan na ibinulgar ni Guban sa unang pagharap sa quad comm na sina Davao City Rep. Paolo Duterte, Atty. Manases Carpio, mister ng Bise Presidente, at Chinese businessman at presidential adviser Michael Yang ang responsable sa pagpasok ng shipment ng mga magnetic lifter para ipuslit ang daan-daan kilo ng shabu sa bansa noong 2018.

‘Enterprising journo’?

Nauna nang inamin ni Guban na sa kanyang pagharap noon sa Senate Blue Ribbon Committee ay binantaan siya ng dating journalist na si Paul Gutierrez habang siya’y nakadetine sa Senado.

Sa kanyang pagdalo sa quad comm kahapon ay itinanggi ni Gutierrez ang alegasyon sa kanya ni Guban ngunit kinompirma niya ang pagbisita sa dating Customs intelligence operative sa Senate detention facility ay upang alamin ang estado ng kalusugan nito pero hindi niya ito ginawa sa ilang resource person na ipiniit din doon.

“”Ikaw ba ang doktor ng Senado?” tanong ni Rep. Johnny Pimentel kay Gutierrez.

“Alam mo Mr. Paul Gutierrez, ikaw ay nagsisinungaling. Why are you so concerned with Mr. Jimmy Guban?” sabi ni Pimentel.

Para kay Pimentel, may mas malalim na dahilan si Gutierrez sa pagbisita kay Guban at ito’y upang bantaan ang Customs intelligence officer.

Si Gutierrez, ayon kay Guban, ang “pinakasinungaling” na reporter.

Inulit ni Guban na pinagbantaan siya ni Gutierrez na mamamatay siya at kanyang pamilya kapag binanggit niya sa Senate probe ang pangalan nina Benny Antiporda, Mans Carpio, Michael Yang at Pulong Duterte.

Nagtaka rin si Rep. Zia Alonto Adiong sa katuwiran ni Gutierrez na gusto niyang magkaroon ng exclusive interview kay Guban ngunit ang kanilang pag-uusap ay tumagal lamang ng tatlong minuto.

P50-M patong sa ulo ni Acierto

Inakusahan ni Acierto si Duterte at Sen. Bong Go na nag-alok ng P50 milyong pabuya para sa kanyang ulo matapos niyang iugnay sina Yang at Allan Lim sa drug smuggling.

“This is due to my report discovering their connection with Michael Yang and Allan Lim or Lin Weixiong,” ani Acierto sa quad comm.

Kinompirma ni PDEA Director General Virgilio Lazo ang naunang impormasyon ni Acierto na maliban sa  pangalang Allan Lim, ginagamit din nito ang Allan Lin, Jeffrey Lin, Jeff Lim, Ayong , at Weixiong Lin, ayon sa impormante ng PDEA.

May Vietnamese at Cambodian passport din umano si Allan Lim, isang Chinese national.

Sa kanyang pagdalo sa quad comm ay kinompirma ng negosyante at Quezon City 5th District congressional bet Rose Nono Lin na tinatawag ng ilang kaibigan ang kanyang mister na si Weixiong Lin na Jeffrey.

Nanindigan siya na hindi si Allan Lim ang kanyang mister.

Ipinasusumite sa kanya ng quad comm ang kopya ng Chinese passport, birth certificate, ng kanyang mister at ilang mga dokumento ng kanilang mga negosyo.

Ipinabibigay rin sa kanya ng komite ang show cause order sa kanyang mister matapos nitong isnabin ang ilang imbitasyon ng quad comm.

Inamin ng businesswoman na noon pang Mayo nagpunta sa Hong Kong ang kanyang asawa, huli silang nagkita noong Nobyembre 1  pero hindi siya tiyak kung dadalo ito sa quad comm hearing kahit pa may show cause order itong matanggap. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *