BANTAY-SARADO ng mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology sa ospital ang aktres na si Neri Naig-Miranda na sumasailalim sa medical evaluation simula noong Biyernes ng gabi
“Lumabas ang court order na dalhin siya sa ospital not more than 5 days. Ito ay ipinag-utos ng judge ng RTC 112 kung saan naka-file ang kanyang kaso,” sabi ni BJMP spokesperson Jayrex Bustinera sa panayam ng Teleradyo Serbisyo.
Batay aniya ito sa hirit ng abogado ni Neri na dalhin ang aktres sa ospital.
“According sa order ng judge, ito ay para i-assess ang kanyang medical condition at kanyang well being. Inutusan kami ng BJMP na dalhin siya sa ospital at na-comply naman kami kagabi,” ayon kay Bustinera.
Matatandaang dinakip at ikinulong sa Pasay City Jail si Neri noong Nobyembre 22 bunsod ng mga kasong paglabag sa Securities Regulation Code, estafa at syndicated estafa.
Si Neri ay misis ng Parokya ni Edgar lead vocalist Chito Miranda. (ZIA LUNA)