KOMBINSIDO ang Police Regional Office 9 (PRO-9) na ang American vlogger na si Elliot Eastman ay maaaring namatay sa kanyang mga pinsala nang siya’y kinidnap noong Oktubre.
Sinabi ni Police Lieutenant Colonel Ramoncelio Sawan na kinompirma ng isang saksi na binaril si Eastman noong siya’y dukutin at namatay habang dinadala sa bangka patungong Sibuco.
“Nabaril po siya during sa pag-aabduct sa kanya. At nung pumalaot na po yung mga nag abduct sa kanya, napansin po nila later on na yun nga po patay na si Elliot Eastman. So ang ginawa daw po nila ay itinapon nila sa tubig yung katawan ni Elliot Eastman,” ayon kay Sawan.
Noong simula aniya ay itinuturing ang impormasyong ito bilang haka-haka; gayunpaman, napatunayan ito matapos ang pag-aresto sa isang suspek, na umamin na si Eastman ay namatay sa dagat at ang kanyang mga labi ay itinapon sa tubig malapit sa Zamboanga City.
Habang nagpapatuloy ang mga pulis sa kanilang pagsisikap na hanapin ang bangkay ni Eastman, binanggit ni Sawan na ipinasa nila ang pag-amin ng suspek sa tanggapan ng piskal at naghihintay ng desisyon kung ang kasong murder ay idaragdag sa kasalukuyang kaso ng pagdukot. (ZIA LUNA)