📷 Former Marine Col. at Medal of Valor Awardee Ariel Querubin
INAMIN ni ret. Marine colonel, Medal of Valor awardee at senatorial candidate Ariel Querubin na nagamit o nasulsulan lamang sila ng mga politiko para maglunsad ng kudeta noong 1989.
Si Querubin ay isa sa founding members ng Young Officers Union (YOU) na kasama ng Reform the Armed Forces Movement (RAM) na nagsagawa ng nabigong 1989 kudeta laban sa administrasyong Cory Aquino noong 1989.
“Bitter lesson there is we were just used by politicians. Nagamit kami, nasulsulan kami ng mga politiko,” sabi ni Querubin sa panayam ng programang ERE (Eksklusibong Ratsada Etc.) sa The City Post Facebook page.
Ginamit aniyang pang-agitate sa kanila ay ang umanon’y pagiging maka-kaliwa ng gobyernong Aquino na pinalaya ang matataas na opisyal ng kilusang komunista sa Pilipinas at isinulong ang usapang pangkapayapaan.
Ikinuwento ni Querubin na pinapanood sa kanila ng mga nagsulsol na magsagawa ng pag-aaklas militar ang mga video ng mga umano’y ginawa ng mga komunista sa Indonesia na humantong sa pagpapatalsik sa pamamagitan ng kudeta laban kay Pres. Sukarno na pinangunahan ni General Suharto.
“Nung bata kasi kami, ang laging pinapalabas sa amin noon na ‘yung gobyerno left-leaning. Ipinapalabas sa amin videos, footages ng ginawa ng mga communists sa Indonesia. Pinatay nila ‘yung mga generals doon Inilaglag nila sa balon sa loob ng Air Force base, at ‘yan ang laging sinasabi nila. And that was the reason why then Gen. Suharto had a coup, tinanggal niya si Pres. Sukarno. Yun ang palaging pinapanood sa amin. Kasi pag-upo ni Pres. Cory Aquino, ni-release niya ang CPP-NPA leaders, sina Joma Sison,” paglalahad ni Querubin.
Querubin sa AFP: Manatiling neutral sa gitna ng ‘chaotic political situation’
Nanawagan si Querubin sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na manatiling neutral, tapat sa Saligang Batas at panatilihin ang papel bilang sentro na maglalagay ng katatagan sa “chaotic political situation.”
Napaka-toxic aniya ang politika sa bansa at ‘very divisive’ din kaya’t mas nais niya na pag-usapan sa hapag ng negosasyon pati ang usapin ng armadong tunggalian upang umusad ang kaunlaran sa bansa.
“Let it be clear, ‘yung armed forces natin noong araw eh hindi pa masyadong na-professionalize unlike today na kung papansinin mo, very professional ang armed forces at ang trust rating niya ay napakataas,” aniya.
“Kaya ang advise ko nga sa kanila, dapat nariyan pa rin kayo. You remain neutral, remain loyal to the Constitution and ingatan ninyo kasi kayo yung fulcrum. Kayo yung maglalagay ng stability sa ganitong sitwasyon na chaotic. In the sense na it’s all about politics and our politics has become very toxic, very divisive kaya ‘yan ang sinasabi ko na panawagan ko noong una na why don’t we talk, why not settle all our differences with armed struggles kasi if we continue fighting each other, we will never progress. That was really meant for the armed groups,” paliwanag niya.
Para kay Querubin, dapat magkasundo ang mga pinuno ng bansa at tugunan ang mga isyu ng korapsyon at West Philippine Sea (WPS) na kaisa ang sambayanang Pilipino.
“Nag-away yung dalawa, nagsagutan. Panawagan ko rin sa kanila, why don’t you sit down and talk. Address the issues na dapat united tayo. Yung issue about corruption. Yung issue about West Philippine Sea.” (ROSE NOVENARIO)