📷Health Alliance for Democracy | FB
Lumahok ang Health Alliance for Democracy (HEAD) sa pagkilos ngayong January 31, 2025 para isanib ang nagkakaisang boses at lakas sa paniniingil sa rehimeng US-Marcos at pagpapanagot sa mga Duterte sa malulubhang pagpapabaya at kasalanan sa taumbayan.
Sobra-sobra ang paghihirap nating mamamayan. Hindi kasya ang barat na sahod para makabili ng bigas, pagkain, bilihin, bayarin at gamot.
Pinababayaan at pinagkakakitaan ng gobyernong Marcos Jr at kasapakat na malalaking oligarkiya ang kalusugan. Binabarat ang badyet sa public health at mga pampublikong pagamutan.
Napakamahal magkasakit. Hindi napabuti ng PhilHealth ang kalusugan ng mamamayan. Sa PhilHealth, tinatalikuran ng gobyerno ang pangunahing responsibilidad nito sa kalusugan ng mamamayan. Doble-dobleng paniningil ang PhilHealth. Negosyo ang PhilHealth at gatasan ng mga kurakot na opisyal.
Sagad ang kabulukan ng PhilHealth at ng gubyernong nagpapakasasa dito. Dapat iabolish ang PhilHealth, direktang ilaan ang pondo sa mga pampublikong ospital, para matiyak ang libre, kumpleto at dekalidad na batayang serbisyong pangkalusugan.
Hangad ng mamamayan at health workers ang libre, kumpleto at de-kalidad na pampublikong serbisyong pangkalusugang direktang pinopondohan ng gobyerno.
Hindi totoong walang pondo ang gobyerno. Napakalaki ng pakinabang at pananagutan ni Marcos Jr at Duterte sa bilyon-bilyong pondong publikong winawawaldas sa maluhong pamumuhay, korapsyon at panghuhuthot sa pambansang badyet.
Panahon na para maningil tayong health workers at mamamayan. Sama-sama tayong manindigan at kumilos para sa ating karapatan, kabuhayan at kagalingan. Wakasan ang bulok na sistema ng mga burukrata-kapitalista! Tuluy-tuloy tayong kumilos tungo sa malusog, malaya at makataong kinabukasan! #