KUNG gaano kasigasig ang mga tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na magpunta sa harap ng Quezon City Prosecutor’s Office, hindi naman sumipot ang kanilang patron sa pagdinig sa grave threats complaint na isinampa ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro laban sa kanya.
Sinabi ni Castro na tanging mga abogado ni Duterte ang nagsumite ng kanyang counter-affidavit na sinumpaan sa isang prosecutor sa Davao City kahapon.
“Hindi na naman dumating si dating Pangulong Duterte. Meron silang binigay na manifestation narinig ko lang dahil malayo daw ‘yung lugar,” aniya.
Nakatakda aniyang maglabas ng resolution ang Quezon City prosecutor sa kanyang reklamo sa susunod na buwan.
“Napakahalaga nito. Siguro biro lang kay dating presidenteng Duterte ‘yung sinasabi niyang mga threat, pambabastos sa kababaihan at iba pang ano-anong sinasabi niya – red-tagging at whatever – pero this time, sineseryoso na natin siya. Dapat ang hustisya natin, ‘yung justice system natin ay pumabor sa kaso,” anang mambabatas.
Sa kanyang TV program Gikan sa Masa, Para sa Masa sa SMNI News Channel noong Oktubre 11 ay ibinahagi ni Duterte ang kanyang payo sa anak na si Vice President Sara Duterte hinggil sa paggamit ng confidential at intelligence funds.
“Pero ang una mong target d’yan [sa] intelligence fund mo, kayo, ikaw France, kayong mga Komunista ang gusto kong patayin,” sabi ng dating pangulo.
Ginawa ni Duterte ang pahayag kasunod nang pagbusisi ni Castro sa confidential funds ng bise president.
Nagsumite ng kanyang supplement complaint-affidavit si Castro matapos umano;y pagbantaas=n siyang muli ni Duterte sa TV program “Gikan sa Masa, Para sa Masa” sa SMNI noong Nobyembre 16.
“Do not think, France na you have already—na may armor ka na dahil congresswoman ka, member ka ng Congress, na hindi ka na—na you are no longer—na hindi ka na vulnerable sa galit ng—karami namatay dyan na…pati pulis dahil sa inyo,” sabi ni Duterte.
“Kaya ikaw France, how do you solve the problem now? Kaya yun statement ko yun komunista dapat patayin, kasali ka, dapat!” dagdag niya.
Sa ginanap na pagdinig sa Mababang Kapulungan ng Kongreso kamakailan kaugnay sa prangkisa ng SMNI, sinabi ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na nilabag ng naturang TV network ang kasunduan nil ana huwag iere ang programa ni Duterte na may mga pahayag nang pagbabanta. (ZIA LUNA)