IGINAGALANG at sinusuportahan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang lahat ng opisyal ng pamahalaan, kasama si Vice President and Education Secretary Sara Duterte.
Ang pahayag ni Romualdez ay kasunod ng chance encounter niya sa isa overseas Filipino workers sa Japan na naglabas ng placard na nakasulat ang, “Please support VP Inday Sara Duterte.”
Muntik pang matusok ang mukha ni Romualdez ng dalang Philippine flag ng OFW na nagpakuha ng larawan at video sa Speaker sa kanyang mga kasamang OFWs din.
Kumalat ang video ng naturang insidente.
Sa kanyang vlog ay tinukoy ni Atty. Enzo Recto ang naturang OFW batay sa ipinadalang impormasyon sa kanya.
Ito aniya ay si Berwin Dy, isa umanong “self-confessed National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) person in Japan, himod pwet na DDS ito at number one redtagger. “
Sa isang kalatas ay inihayag ni Romuladez, “I agree with the overseas Filipino worker who greeted me in Japan with a placard bearing a significant message. We should all support and respect the Vice President. The same respect and support that we should extend to the President and other government officials.”
Napaulat ang iringan nina Romualdez at Sara mula nang tanggalin si Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo bilang Senior Deputy Speaker bunsod ng umano’y pakanang kudeta laban sa Speaker.
Kumalas si Sara sa Lakas-CMD na pinamumunuan ni Romualdez at matapos ang ilang buwan ay isiniwalat sa Kamara ang natuklasan ng Commission on Audit (COA) na paggasta niya ng P125 million confidential funds sa loob lamang ng 11 araw noong Disyembre 2022.
Sa 2024 budget ay tinanggal na ang confidential at intelligence funds ng ilang ahensya ng pamahalaan na walang kinalaman sa national security, kabilang ang Office of the Vice President at Department of Education (DepEd).
Lalong uminit ang tunggaliang Romualdez-Sara nang sumawsaw na sa isyu si dating Pangulong Rodrigo Duterte at ipinagtanggol ang anak at pinagbantaan si ACT Teachers partylist Rep. France Castro sa programa niya sa SMNI.
Pinaimbestigahan din sa Kamara ang maling akusasyon ng isang programa sa SMNI na gumasta ng P1.8 bilyon si Romualdez sa kanyang mga biyahe noong 2022 hanggang umabot ang pagsisiyasat sa mga paglabag ng television network sa ilang probisyon ng kanilang prangkisa.
Habang sa Senado nama’y pinaiimbestigahan ni Sen. Risa Hontiveros ang mga napaulat na umano’y illegal na aktibidad ni Apollo Quiboloy sa pinamumunuan niyang Kingdom of Jesus Christ na siya ring basehan ng mga kasong isinampa laban sa “religious leader” sa Amerika kaya itinuturing siya roon bilang isa sa most wanted person ng Federal Bureau of Investigation (FBI). (ROSE NOVENARIO)