IMPOSIBLE at labag sa Saligang Batas kung ietsapwera ang Senado sa pag-amyenda sa 1987 Constitution.
Ito ang reaksyon ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III sa gitna ng isinusulong na ideya ng Kamara sa pagsusulong ng Charter change o Cha-cha na hindi katuwang ang Senado.
Giit ni Pimentel , kung sa paniniwala ng Mababang Kapulungan ay maaamyendahan nila ang Konstitusyon na hindi kasama ang Senado, ay hindi lang unconstitutional ito kundi imposible pa .
Sinabi pa niya na ang ganitong “attitude” ng mga kaibigan nila sa Kamara na inianunsiyo pa nila ay lalong hindi makakakuha ng suporta sa mga senador.
Binigyan diin niya na minorya lamang ng 24 Senador ang sumusuporta sa pag-amyenda sa Konstitusyon.
Matatandaan na noong nakaraang linggo ay imunungkahi ni Pampanga Rep. Dong Gonzales ang pagsusulong ng Cha-cha sa pamamagitan ng People’s Initiative.
Subalit para kay Pimentel na isang abogado hindi maaaring i overhaul ang Konstitusyon sa pamamagitan ng People’s Initiative dahil ito ay surgical amendment lang o specific lang ito at malaki ang pagsisikapat pangangailangan na sumunod sa itinakda ng Konstitusyon.
Kaugnay nito, umani ng batikos ang panukala ni Sen. Robinhood Padilla na dagdagan ang bilang ng mga senador sa bersyon niya ng Cha-cha.
Ayon sa ilang political analyst, walang pangangailangan para sa naturang plano ni Padilla at quality at hindi quantity ang dapat sukatan ng kakayahan ng mga senador. (NINO ACLAN)