Sat. Aug 8th, 2026

TUMANGGI ang Philippine National Police na kompirmahin kung may personalidad na nagsisilbing protektor ng casino junket operator na sangkot sa Anson Que kidnap-slay na inendorso ng mga mambabatas na gawaran ng Filipino citizenship.

Tinukoy ng PNP sa isang press conference ang casino junket operators na 9 Dynasty Group at White Horse Club.

“Ang ransom money po na binayaran mula March 31 to April 8, 2025 ay dumaan sa dalawang junket operators, which is 9 Dynasty Group at White Horse Club,” sabi ni Brig/ Gen. Jean Fajardo.

Si Chinese national Li Duan Wang o Mark Ong mula sa Fujian ang may-ari aniya ng 9 Dynasty Group habang inaalam pa ng pulisya kung sino ang nasa likod ng White Horse.

Mula aniya pumasok sa bansa si Wang ay sinimulan na ang pagiging junket operator, pinasok din ang cryptocurrency at namayagpag sa kalakasan ng POGIO operations.

“Based on the records and operational research, noong pumasok sa bansa natin si G. Mark Ong ay nag-engage na po siya dito sa junket operators na nag-e-engage sa cryptocurrency. Nagtuluy-tuloy po ‘yan at ang tinitingnan po natin dyan, ang pinaka-peak ay at the height of POGO operations,” ani Fajardo.

Nang tanungin si PNP chief Gen. Farncisco Marbil ng media sa posibleng protector ng 9 Dynasty, sagot niya,“I cannot say kasi ang sinasabi lang natin kidnapping. Ang sinasabi lang natin ay why 9 Dynasty is involved kasi doon pinasok ang pera. We got an alarm when the people coming from the casino, tinulungan din kami, ang sabi ang lalaki ng perang pinapasok dito.”

“It’s just an eye opener for us, why ito nagagamit. How can we stop, paanong hindi na magagamit in the future. Baka malay natin hindi lang kidnapping ang ginagamit, baka may  iba pa,” dagdag niya.

Matatandaan na sa botong 19-1 ay ipinasa ng Senado ang panukalang batas na iniakda ni Sen. Francis Tolentino na naggagawad ng Filipino citizenship kay Wang ngunit ibinasura ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Tanging si Sen. Risa Hontiveros ang tumutol sa panukalang batas ni Tolentino bunsod sa nabisto niyang “red flags’ sa pagkatao ni Wang gaya ng pagiging casino junket operator at kaugnayan kay Duanren Wu, umano’y “big boss” ng sinalakay na POGO (Philippine Offshore Gaming Operator) hub sa Porac, Pampanga.

Isa rin aniya sa negosyo ni Wang ay may opisina sa gusali na iniuugnay kay She Zhijiang, ang self-confessed Chinese spy sa Al Jazeera documentary. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *