PINAIIMBESTIGAHAN ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang depektibong bollards sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 na inilagay para sana mapigilan ang pagsalpok ng sasakyan at magbibigay proteksyon sa mga tao.
Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro, kabilang sa bubusisiin ay ang procurement at specifications ng bollard na inilagay sa entrance ng departure area noong Hulyo 2019 sa ilalim ng administrasyong Duterte.
“Nakakalungkot po may mga nasawi dahil sa diumanong depektibo na bollards na na-install po sa NAIA Terminal I. At ito po na-install sa panahon po ng dating administrasyon at sa panahon po ni Transportation Secretary Arthur Tugade. Ngayon po pinaiimbestigahan, ito po ay July 2019 nung na-install po ang mga ito,” aniya sa press briefing sa Palasyo.
“Pinaiimbestigahan na po kung paano po ang naging procurement pati iyong specifications, iyon po ay sa pag-uutos po ng Pangulo at ito po ay tutugunan kaagad-agad ni Secretary Vince Dizon,” dagdag niya.
Iniutos din aniya ni Marcos Jr. na inspeksyunin ang iba pang bollards sa Paliparan at agad na pinapalitan ang mga nasira para maprotektahan ang mga pasahero sa NAIA.
“At pati po ang pagi-inspect sa mga bollards at ang mabilisang pagpapalit po dito para sa safety po ng nakakarami,” ani Castro.
Napaulat na P8-M ang halaga ng kontratang paglalagay ng bollard sa NAIA Terminal 1, 2,3 at 4 na natapos noong Hulyo 26, 2019, batay sa accomplishment report ng Manila International Airport Authority (MIAA) na bahagi ng “Improvement of Terminal Facilities” para sa Calendar Year 2019.
Batay sa kumalat na impormasyon at larawan sa social media, isang Kontrak Enterprises ang umano’y nakasungkit ng nasabing kontrata. (ROSE NOVENARIO)