Sat. Aug 8th, 2026

BALYAHAN ng mga Marcos at Duterte ang pangunahing katangian ng 2025 midterm elections, ayon sa Communist Party of the Philippines.

Sa isang kalatas ay sinabi ni Marco Valbuena, punong opisyal sa impormasyon ng CPP, ang mga Marcos at Duterte ang dalawang pinakabulok na pangkat sa naghaharing uri sa Pilipinas.

Sakali aniyang magkagulo sa araw ng halalan sa Mayo 12, hindi na nakagugulat dahil ang gagamitin umano ng kampo ni Marcos ang hindi subok na mga makina ng Miru para mandaya, gaya rin ng ginawang “pagluto” sa 2022 elections ng  pangkating Duterte kaya nanalo ang tambalang Marcos-Duterte.

“Hindi magiging kataka-taka kung magkakagulo sa araw ng botohan dahil tiyak na gagamitin ng pangkating Marcos ang hindi subok na mga makina ng Miru para dayain ang botohan,” ayon kay Valbuena.

“Kalakaran na ng nakaupong pangkatin na dayain ang eleksyon sa pamamagitan ng pagmanipula ng mga makina. Sa ganitong paraan ipinanalo ng mga Duterte ang tambalang Marcos-Duterte noong 2022, sa ganitong paraan din sila dadayain ngayong eleksyon,” paliwanag niya.

Habang nag-uumpugan aniya ang dalawang pangkat ay etsapuwera ang interes ng masang Pilipino na patuloy ang paghihirap

“Walang tunay na puwang ang paglahok dito ng masang Pilipino. Pinalalabas na demokratiko ang eleksyon, gayong ang katotohanan, para lamang ito sa mga burukratang kapitalista, mga burgesyang komprador at panginoong maylupa,” anang CPP sa editoryal ng Ang Bayan.

“Alinman sa mga Marcos o mga Duterte ang manaig sa darating na halalan, tiyak na patuloy at lalong bibilis ang pagkabulok ng reaksyunaryong estado, sa harap ng walang kalutasang krisis ng naghaharing sistema.”

Giit ni Valbuena, ang dapat paghandaan ng sambayanan pagkatapos ng halalan ay ang malalaking laban gaya ng “pagpapakulong kay Duterte sa ICC, impeachment ni Sara sa Senado, kasabay sa pagbulusok ng kabuhayan at buhay ng mamamayan sa ilalim ng paghahari ni Marcos at pagsusunud-sunuran ng kanyang rehimen sa panunulsol ng US ng imperyalistang gera laban sa China” kaya’t dapat patuloy na patatagin ang solidong organisadong hanay at magpunyagi sa landas ng militanteng pakikibaka.” (ZIA LUNA)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *