Sat. Aug 8th, 2026

📷: Las Pinas City Councilor at congressional candidate Mark Anthony Santos | FB

 

“Lahat tayo ang magdurusa kapag ang masasama ang binigyan ng kapangyarihan. Panahon na para bumoto nang tama.”

Ito ang kataga ng grupong Katolikong Pinoy na gusto ring ipahawatig ni Las Pinas City Councilor Mark Anthony Santos, kandidato sa pagka-Kongresista, sa kanyang mga kababayan na boboto ngayong midterm elections sa Lunes.

Ayon kay Santos, ang pagboto tuwing eleksyon ay nagdudulot ng iba’t ibang kabutihan sa bayan, tulad ng pagpapahayag ng boses ng mga mamamayan, pagpili ng tamang lider, aktibong pakikilahok sa demokrasya, at pagsusulong ng mga reporma.

Ngunit sa nakalipas na tatlong dekada, ang kalagayan at sitwasyon ng Las Pinas ay nanatiling kulelat pagdating sa kita sa pananalapi kumpara sa ibang lungsod sa Metro Manila dahil sa hindi pagbayad ng tamang buwis kada-taon ng pinakamayamang negosyante sa lungsod, ani Santos.

Bukod pa rito, sa mahabang panahon ay kontrolado ng makapangyarihan na isang pamilya na nakaupo sa Senado at Kongreso ang karamihan ng mga infrastructure projects at social services allocations mula sa national government na para sa mga pobreng Las Pineros.

Pero naniwala si Santos na mulat ngayon ang mga botante sa lungsod kung saan ay “panahon na para gisingin ang ating diwa, magkaisa sa kabutihan, at piliin ang tama, hindi lamang para sa atin, kundi para sa susunod na henerasyon.”

“Kapag ang mga pinuno ay kurap, walang takot sa Diyos at hindi nagsisilbi nang may katapatan at malasakit, ang sambayanan ang nagbabayad ng presyo: sa katiwalian, kahirapan, at kawalang-katarungan,” dagdag ng Konsehal.

Pinaaalahanan ni Santos ang tungkulin ng bawat botante na pumili nang may karunungan at konsensiya. “Hindi sapat ang kasikatan o pangako, dapat tingnan natin ang puso, gawa, at pananagutan ng ating mga pinuno.”

“Nakaumay na! Iba naman! Tunay na serbisyo hindi negosyo. Buwagin ang political dynasty,” ito ang laging sinasambit ni Santos sa kanyang bahay-bahay na pangangampanya sa 20 barangay sa lungsod.

Nagpahayag din ng pag-asa si Santos na magiging malinis at maayos ang halalan sa Lunes. Ipinaabot ng Konsehal ang kanyang adhikain sa mga lokal na opisyal ng Commission on Elections at PNP “upang matiyak ang mga botohan na walang problema at mapayapa.” (ZIA LUNA)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *