NAGKAISA ang health workers sa Las Pinas City na huwag iboto si Sen. Cynthia Villar sa May 12 elections dahil sa hindi makalimutang panlalait niya sa kanilang marangal na propesyon.
Napag-alaman ng Balitang Klik na may binuong grupo noong Mayo 1 ang mga nurse nagtratrabaho sa mga government at private hospitals Las Pinas para magkampaya sa mga botante na huwag iboto si Villar sa halalan sa Lunes, Mayo 12.
Matatandaan naging kontrobersyal ang pahayag ng senadora sa isang television forum na: “Actually, hindi naman kailangan ng nurse na matapos ang BSN (BS Nursing). Kasi itong mga nurses, gusto lang nilang maging room nurse, o sa Amerika o sa other countries, ay mag-aalaga lang sila. Hindi naman kailangan na ganoon sila kagaling.”
Dahil sa ginawang ‘pambabastos’ ni Villar sa mga nurse, nanggagalaiti sa galit ang opisyales at mga miyembro ng Philippine Nurses Association.
Hinamon ng PNA, na may 360,000 kasapi sa buong bansa, si Villar na “isulong at protektahan ang integridad” ng propesyon ng nursing.
“Maaaring ginawa niya ang paghingi ng tawad, ngunit hindi talaga naramdaman,” sinabi ni PNA president Noel Cadete, sa paghingi ng dispensa ni Villar makaraang umani ng batikos ang kanyang panlalait sa mga nurse.
Noong Agosto 1, 2020, muling inulan ng kritisismo si Villar sa gitna ng pandemya ng COVID-19 matapos umapela ang isang grupo ng mga doktor sa pambansang pamahalaan na ibalik ang Metro Manila sa enhanced community quarantine dahil sa nakadidismayang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19.
Tinanong si Villar kung ano ang masasabi tungkol sa isyu, ang tugon niya, “Hindi na siguro. Pagbutihan nila trabaho nila”.
Marami ang nasaktan sa kanyang pahayag at makalipas ang ilang oras, nag-trending ang kanyang pangalan sa Twitter kasama ang mga tawag na i-boycott ang mga produkto na kabilang sa negosyo ng kanyang pamilya kabilang ang residential community, Camella at ang shopping mall chain, Vista Mall.
“Dahil sa hindi maayos pag-uugali at pambabastos na ginagawa ni Sen. Villar sa mga medical professionals, ngayong panahon ng May 12 election ay nagkaisa kami na hindi siya makakakuha ng boto mula sa aming grupo,” anang manggagawang pangkalusugan mula sa Las Pinas General Hospital.
Samantala, dalawang empleyado ng Nacionalista Party na pinamumunuan ng pamilya Villar ang nagpahayag sa Balitang Klik na handa na nilang isiwalat ang pananakit at pang-aabuso na ginagawa sa kanila ng senadora nang sila ay konektado pa sa NP.
Anang dalawang babae na dating empleyedo na tumangging magpabanggit ng pangalan, totoo ang lumalabas sa social media na diumano’y nangungurot kahit saang parte ng katawan at nananabunot kahit sa harap ng ibang tao sa opisina kapag ang 75-anyos na senadora ay mainit ang ulo at galit.
Nahawa na rin anila ng “kawalan ng hiya” ang isang abogadang babae na close aide ng senadora na diumano’y dinibdiban ang isang babaeng empleyado sa Senado kaya napilitang mag-resign sa trabaho ang biktima. (ZIA LUNA)